Asi sasalang vs Texters
MANILA, Philippines - Sa layuning makaiwas sa maagang pagbabakasyon ay kinuha ng Express si 2003 PBA Most Valuable Player Asi Taulava.
Ipaparada ang 6-foot-10 na si Taulava, haharapin ng Air21 ang Talk ‘N Text ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang banggaan ng mainit na Petron Blaze at Alaska sa alas-7:30 ng gabi sa elimination round ng 2013 PBA Governor’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kailangang walisin ng Express ang kanilang mga laro laban sa Tropang Texters, Meralco Bolts at Aces para makaabante sa quarterfinals kung saan ang Top Four teams ay magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ incentive.
Nakuha ng Air21 ang 40-anyos na si Taulava at si forward Mark Borboran mula sa Meralco kapalit nina Mike Cortez at James Sena.
Makaraang umalis sa Bolts bago magsimula ang 37th season ng PBA ay tinulungan ni Taulava ang San Miguel Beermen sa pagsikwat sa titulo ng nakaraang Asean Basketball League noong Hunyo.
“New team new mission with my Bradrs!,†sabi ng Fil-Tongan sa kanyang Twitter account na @AsiTaulava88.
Bagama’t noong Hunyo pa natapos ang ABL ay nagpatuloy naman sa pagpapakondisyon ang 14-year PBA veteran.
Sa ikalawang laro, pupuntiryahin naman ng Boosters ang kanilang pang-pitong sunod na panalo sa pagharap sa Aces.
Tinalo ng Petron ang Talk ‘N Text, 122-88, noong Miyerkules para pormal na makuha ang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals, samantalang nabigo naman ang Alaska sa San Mig Coffee, 82-95, noong Setyembre 10.
Nasa panig na rin ng Air21 si Joseph Yeo na nakuha ng Express sa pakikipag-trade sa Petron Blaze kapalit ang 6-foot-6 center na si Mark Isip.
- Latest