Hyena nakapagpasiklab sa Summer Racing Festival
MANILA, Philippines - Nakuha ng kabayong Hyena ang unang panalo sa buwan ng Mayo matapos magpasiklab sa idinaos na Summer Racing Festival (HR E and D) noong Martes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Mark Alvarez ang hinete ng nasabing kabayo na tumakbo kasama ang coupled entry na Botbo na hawak ni Jonathan Hernandez at maganda ang kondis-yon ng nagwaging kabayo sa karerang pinaglabanan sa 1,400-metro distansya.
Naging maputik ang pista dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan at napabor ito sa Hyena para makapagbanderang-tapos ang second choice sa walong kabayong naglaban.
Ang Azkal na pumangalawa noong Abril 7 para mapaboran sa karera ay bumangon mula sa pangatlong puwesto papasok sa huling kurbada.
Pero hindi naubos ang Hyena tungo sa halos dalawang dipang layo sa pagtawid sa meta.
Maganda pa ang dibidendo sa panalo ng limang taong kabayo na may lahing Helter Skelter at Iona Hunter dahil umabot pa ito sa P27.00 sa win habang ang forecast na 4-2 ay nagpamahagi ng P58.50 dibidendo.
Sinahugan ang karerang ito ng added prize na P40,000.00 ng Philippine Racing Commission (Philracom) at ang connections ng Hyena ay kumabit ng P24,000.00 dibidendo.
Anim na karera pa sa siyam na pinaglabanan ang binigyan ng added prize na P20,000.00 at ang mga nanalo rito ay ang Lavish Love, Cassie Dear, AJ Special, Jahan at King Ramfire.
Ang mga may-ari ng mga nabanggit na kabayo ay nagkamal ng P12,000.00 gantimpala sa Philracom.
Lumabas naman bilang pinakadehado sa unang gabi sa anim na araw na karera ay ang Pinoy WorldClass na nanalo sa unang karera na isang 3YO-NHG-HR (1) at inilagay din sa 1,400-m distansya.
Umararo agad sa unahan ang second choice na Porcher pero kabilang ang Pinoy WorldClass sa tatlong kabayo na nasa ikalawang puwesto.
Sa kalagitnaan ng karera ay umuna na ang Pinoy WorldClass kasama ang Star Avenger at Simple Pleasure at sa pagpasok sa rekta ay nakalayo na ang nanalong kabayo na sakay ni Fernando Raquel Jr.
Nasa balya ang Pinoy WorldClass nang rumemate ang Simple Pleasure at kinapos ng isang kabayo sa nanalong katunggali at abante lamang ng isang ulo sa pumangatlong Star Avenger.
Ang tatlong taong colt na may lahing General Thomas at Tamango Street ay hindi pinaboran dahil hindi tumimbang sa huling takbo sa dibisyon.
- Latest