Casimero, Nietes at Abaniel gumawa rin ng ingay
MANILA, Philippines - Hindi lamang sina unified world super bantamweight champion Nonito Donaire Jr. at WBO/WBA flyweight king Brian Viloria ang gumawa ng eksena sa 2012.
Gumawa rin ng ingay sina IBF light flyweight ruler Johnriel Casimero, WBO light flyweight titlist Donnie Nietes at WIBA (Women’s International Boxing Association) minimumweight queen Gretchen Abaniel.
Tinalo ng 22-anyos na si Casimero si Luis Lazarte para kunin ang interim IBF lightflyweight title sa Argentina noong Pebrero.
Kasunod nito ay ang paghirang sa kanya ng IBF bilang isang regular champion dahil sa pamamahinga ni Ulises Solis bunga ng injury.
Nagtala si Casimero ng isang split decision win kontra kay Pedro Guevara para mapanatiling suot ang kanyang korona noong Agosto sa Mexico.
Patuloy naman ang pamamayani ni Nietes sa WBO light flyweight class nang igupo si Mexican challenger Felipe Salguero noong Hunyo sa Resorts World.
Isang Thai boxer din ang tinalo ni Abaniel sa katauhan ni Modthanoi Sithsaithong via fourth round stoppage upang sikwatin ang bakanteng WIBA minimumweight crown nitong Disyembre sa Makati City.
Dalawang Pinoy ang nakahugot ng draw sa kanilang mga world title fights.
Ito ay sina Michael Farenas laban kay WBA fea-therweight champion Takashi Uchiyama mula sa isang third round technical draw sa Saitama noong Hulyo at si Sarangani pride John Mark Apolinario kontra kay Roberto Vasquez na nagtapos sa isang majority 12-round draw para sa interim WBA bantamweight title sa Argentina noong Nobyembre.
Sa kabuuan, 26 world title fights ang sinuong ng mga Filipino fighters sa taong 2012.
Bagama’t mahina ang winning rate na 42.3 percent, limang Pinoy naman ang umangkin sa No. 1 seat sa pamamagitan nina WBC minimumweight Denver Cuello (32-4-6, 21 KOs), WBO lightflyweight Eduard Penerio (15-1, 10 KOs), WBO flyweight Milan Melindo (28-0, 11 KOs), WBC bantamweight Malcolm Tuñacao (32-2-3, 20 KOs) at IBO welterweight Manny Pacquiao.
Bilang mga No. 1 contenders, magkakaroon sila ng mandatory title shot.
Ilang Filipino naman ang kumuha sa No. 2 slot.
Ito ay sina IBO minimumweight Cuello, WBA flyweight Rocky Fuentes (35-6-2, 20 KOs), IBO flyweight Sonny Boy Jaro (34-11-5, 24 KOs), WBO flyweight Froilan Saludar (16-0-1, 11 KOs), WBO superflyweight Mark Anthony Geraldo (26-4-3, 11 KOs)at WBO bantamweight Diarh Gabutan (19-1-2, 9 KOs).
Dagdag pa dito ang apat na OPBF champions na sina minimumweight Merlito Sabillo, flyweight Fuentes, super flyweight Arthur Villanueva at bantamweight Rolly Lunas.
Dahil dito, madami pang Pinoy ang may tsansang maging mga world title champions sa 2013.
- Latest