NLEX, Boracay Rum nagtala ng panalo
MANILA, Philippines - Napigil ng NLEX Road Warriors ang paglasap sa kauna-unahang back-to-back na pagkatalo, habang pinalawig ng Boracay Rum ang pagpapanalo sa dalawang dikit sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Yñares Sports Arena sa Pasig City.
Pinagmasdan ng Road Warriors na sumablay sina Kevin Ferrer at Ian Mazo sa mahahalagang buslo upang maitakas ang 70-68 panalo kontra sa Blackwater Sports patungo sa 8-1 baraha.
Naunang nakitaan ng matinding depensa sa huling yugto ang tropa ni coach Boyet Fernandez nang limitahan ang Elite sa 5-of-17 shooting para lumayo sa 70-64.
Pero isang tres ni Ferrer ang naglapit sa koponan sa tatlo at matapos ang sablay na atake ay nagkaroon ng pagkakataon si Ferrer na ilapit pa ang Blackwater nang nalagay sa 15-foot line mula sa foul ni Kirk Long.
Ngunit isa lamang ang kanyang naipasok pero ang bola ay napunta kay Mazo na minalas at hindi naipasok ang kanyang buslo.
Sina Ronald Pascual at RR Garcia ay may 12 at 11 puntos para sa NLEX.
Samantala, nakuha naman ng Boracay Rum ang ikalawang sunod na panalo mula sa 74-66 tagumpay kontra sa Informatics sa unang laro.
- Latest