PSC-POC 2012 batang pinoy national finals: Baguio City runner ang unang gold medalist
ILOILO CITY, Philippines --- Inangkin ng 15-anyos na si Erwin Bong Generalao ng Baguio City ang unang gintong medalyang inilatag sa pagsisimula ng mga aksyon sa PSC-POC Batang Pinoy Natonal finals kahapon dito sa Iloilo Sports Complex.
Pitong gold medals naman ang sinikwat ng Quezon City sa swimming event kung saan nagbigay ng tig-tatlo sina Raissa Regatta Gavino at Kirsten Chloe Daos.
Nagsumite si Generalao, anak ng tindera ng sa Brgy. Pingket, Baguio City, ng bilis na 16:46.4 para kunin ang ginto sa boys’ 14-15 5,000-meter run at talunin sina Gilbert Taquio (16:51.66) ng Laguna at Reymark Quezada (17:38.00) ng Baguio City sa unang araw ng athletics competition.
“Siyempre po masaya ako kasi ako ang nakakuha ng unang gold medal,” sabi ng fourth year high school student ng Baguio City National High School na kumuha ng tatlong ginto (800m run, 5,000m run at 1,500m walk) sa Pangasinan leg noong Oktubre.
Ang iba pang kumuha ng ginto sa athletics ay sina Leah Taltala (girls’ 13-under high jump); Rolando Bandarlipe at Mariz Sabado (boys’ at girls’ 13-under 2,000m walk) ng Pangasinan; Christopher Ejica ng Dasmariñas City (2,000-meter run boys 13-under), Lanz Halongon (shot put boys 14-15) ng Iloilo Pro-vince; Charise Mae Violanta (shot put girls 14-15) ng Laguna; Ailyn Tumbale (long jump girls 13-under) ng Negros Occidental; at Lierrence Sayenga (long jump boys 13-under) ng Marikina.
Sa swimming, inangkin ni Gavino ang mga ginto sa girls’ 11-12 years old 400-meter breaststroke (4:58.15) at 50m breaststroke (36.59), habang na-naig si Daos sa girls’ 13-15 400m freestyle (4:46.09) at 200m butterfly (2:31.71) at nakasama sa panalo ng Quezon City sa 15-under 200m 4x50m medley relay (2:16.04) katuwang sina Shannen Ng at Juliana Sistine Ong.
- Latest