PBA D-league Aspirants Cup Gems, Bombers sumusulong
MANILA, Philippines - Nakuha ni Paul Zamar ang kanyang shooting touch sa huling yugto para tulungan ang Cebuana Lhuillier na bumangon mula sa 10 puntos pagkakalubog tungo sa 76-68 panalo sa Café France sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tumapos si Zamar taglay ang 17 puntos at dalawa lamang sa kanyang kinamada ang hindi ginawa sa huling 10 minuto ng labanan para makuha ng Gems ang ikalawang panalo matapos ang apat na laro.
“Ito ang kailangan namin dahil dalawang sunod na talo kami,” wika ni Gems coach Beaujing Acot.
May dalawang tres si Zamar sa huling yugto habang si June Dizon ang sinandalan sa inside points at ang Gems ay nagpa-kawala ng 18-0 bomba at umiskor ng kabuuang 33 puntos sa huling yugto.
Si Roger Pogoy ay mayroong 19 puntos para sa Bakers na hindi napa-ngatawanan ang paglayo sa 44-34 sa ikatlong yugto at 61-56 sa huling 5:17 ng tagisan para malaglag sa 2-2 karta.
Nagpasabog naman si Dexter Maiquez ng walong puntos sa huling yugto upang pangunahan ang 29-17 palitan tungo sa 86-74 panalo sa Informatics sa unang laro.
Tumapos ang manlalaro ng San Sebastian bitbit ang 17 puntos at 15 rito ay ginawa sa second half.
Si Jeckster Apinian ay may 17 habang si Alex Alamario ay may panuportang 11 puntos para sa Heavy Bombers na tinapos ang dalawang sunod na pagkatalo sa liga.
“Matapos ang masakit na pagkatalo sa huling laro, ang panalong ito ay makakatulong para tumaas ang morale ng mga bata papasok sa mga susunod na game namin,” wika ni Bombers coach Vergel Meneses.
Bumaba ang Icons sa 0-4 panalo-talo at nasayang ang malakas na panimula nang dominahin ang unang dalawang yugto sa 21-19 at 39-32.
- Latest