GTK alanganin pa rin ang kandidatura sa POC
MANILA, Philippines - Ngayong opisyal nang nakatanggap ang Philippine Olympic Committee ng desisyon ng Supreme Court na inayunan ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court na walang ‘due process’ ang pagsibak kay Go Teng Kok sa General Assembly, posibleng talakayin ang eligibility para kumandidatong POC president ang kontrobersiyal na athletics head sa meeting ng POC election committee sa Nov. 22.
Inaasahang makakaapekto sa magi-ging desisyon ng komite ang IOC advisory na nagbanta ng pagsususpindi sa POC dahil sa ‘government intervention.’
Ang notice ng Supreme Court Third Division decision, pinirmahan ni Clerk of Court Lucita Abjelina-Soriano ay natanggap ni POC lawyer Luis Rivera noong Martes. Ang desisyon ay galing sa Supreme Court noong Sept. 26, na nagbasura sa petition ng POC na ibasura ang order ng Pasig Regional Trial Court base sa kabiguang i-substantiate ang appeal.
Sinabi ni POC secretary-general Steve Hontiveros bilang reaksiyon sa natanggap na notice na magpa-file ang POC ng motion for reconsideration sa loob ng 15 days o hanggng Nov. 27 - tatlong araw bago ang araw ng eleksiyon.
“Until then, the resolution by the Supreme Court is not final and at present, has no effect,” sabi ni Hontiveros sa sulat sa election committee.
Ayon kay Hontiveros, hindi kinonsidera ng Supreme Court sa pagdedesis-yon ang merits ng kaso. “The resolution dismissed the case (because of) our failure to provide a certified copy of the assailed Regional Trial Court decision and our failure to file our response to Mr. Go Teng Kok’s comment,” aniya. “The dismissal did not resolve the merits and disputed issues of the case.”
Ayon kay Hontiveros ang dismissal ay base sa technicality.
Kinumpirma ni Election committee member Ricky Palou kahapon ang meeting sa Nov. 22 ngunit hindi niya sinabi ang agenda. “We’ll most pro-bably take up the GTK issue,” aniya. Hindi naman nakuhanan ng komento si Committee chairman Victorico Chaves.
Sinabi ni Hontiveros na kahit makakuha si Go ng temporary restraining order (TRO) para sa Nov. 30 election ay itutuloy nila ito para hindi maparusahan ng IOC.
“I realize we could be cited for contempt but we run the risk of being suspended from participating in the Southeast Asian Games, Asian Games and the Olympics,” sabi ni Hontiveros.
- Latest