Pagnanakaw ng mga sapatos sa isang school sa Japan, weasel ang salarin!

Isang misteryosong kaso sa isang kindergarten school sa Koga, Fukuoka Prefecture, ang nagbigay ng pangamba sa mga magulang at guro nang mawala ang mga sapatos ng mga estudyante doon!

Ayon sa mga guro at magulang, 15 sapatos ang unang nawala noong unang linggo ng ­Nobyembre. Karamihan sa mga nanakaw ay mga uwabaki o manipis na sapatos na ginagamit sa loob ng eskuwelahan.

Sa sumunod na araw, tatlo pang sapatos ang nawala habang ang iba naman ay natagpuan sa sahig o sa hardin ng paaralan. Dahil dito, kinontak ng eskuwelahan ang mga awtoridad para magsagawa ng imbestigasyon.

Naglagay ng tatlong security cameras ang mga pulis sa lugar, at noong gabi ng Nobyembre 11, nahuli sa camera ang salarin sa pagnanakaw ng mga sapatos.

Makikita sa CCTV footage na isang weasel ang mabilis na lumitaw mula sa likod ng pader at kumuha ng sapatos mula sa cubbyhole o cabinet na taguan ng gamit ng estudyante. Pagkatapos nito ay tumakas ang weasel sa loob lamang ng sampung segundo.

Ayon sa mga eksperto na si Prof. Hiroshi Sasaki mula sa Chikushi Jogakuen University, posibleng gumagawa ng pugad ang weasel para sa winter season.

May posibilidad din na kakapanganak ng weasel at gumagawa siya ng pugad para sa kanyang mga supling. Maaaring ginagamit nito ang mga sapatos bilang pampainit sa kanilang pugad.

Bagamat hindi pa natatagpuan ang mga nawawalang sapatos, naglagay na ng net sa mga cubbyhole ang mga staff ng paaralan upang maprotektahan ang natitirang sapatos.

Ayon sa isang staff ng paaralan, nakahinga sila nang maluwag nang malaman na weasel ang salarin. Natakot sila na isang tao na may foot fetish ang nagnanakaw ng mga sapatos.

Ayon sa Koga Police, ito ang unang beses na nagkaroon ng ganitong klaseng kaso sa kanilang lugar. Sa kabila ng kakaibang kwento, nagdala ito ng ngiti sa mga bata nang makita nila ang video ng weasel na tila mahilig sa sapatos.

Show comments