“PAMINSAN-MINSAN dapat ay kumakain tayo sa restaurant para maiba naman ano?’’ sabi ni Dax habang kumukutsara ng chopsuey.
“Magagastusan ka po.’’
“Okey lang.’’
“Kapag nakatapos ako at nakapagtrabaho, ililibre kita Sir Dax. Pakakainin kita kahit saang restawran.”
“Wow! Tuparin mo yan ha?’’
“Opo. Sana mabilis akong makakita ng work.’’
“Gaya ng sabi ko sa’yo mabilis kang makakakita ng trabaho dahil matalino ka.”
“Sana nga po.’’
Nagpatuloy sila sa pagkain.
“Kailan mo balak dalawin ang mama mo?’’
“Hindi ko po alam. Siguro iti-text ako ni Mama. Itataon yun kapag wala roon ang stepfather ko.’’
“Kapag kumikita ka na, bigyan mo ng pera ang mama mo. Kahit ano pang mangyari may nagawa sa iyo ang mama mo. Hindi naman sa ako’y nakikialam sa inyo pero para sa akin, dapat mo pa ring pagkalooban ang mama mo kapag nakakaluwag ka na.’’
Tumango si Hiyasmin.
Pasado alas otso na nang matapos silang kumain.
Binayaran ni Dax ang nakain at unuwi na sila.
Nang makarating sa bahay ay nag-alala si Dax kay Hiyasmin.
“Ginabi tayo. Baka mayroon kang assignment o baka may exam bukas.’’
“Tapos na ang exam namin Sir Dax.’’
“Nag-aalala kasi ako dahil niyaya kitang samahan sa pagbili ng libro. Hindi na kita tinanong kung may gagawin ka.’’
“Wala po. Okey lang yun.”
Itutuloy