Palalimin pang lalo ang imbestigasyon sa EJKs
MANILA, Philippines — Dapat paigtingin pa ng House quad committee ang pag-iimbestiga sa madugong war on drugs na ipinatupad ng nagdaang Duterte administration. Huwag mabahala ang mga miyembro ng quadcom kahit maraming naririnig na pinupulitika lang ng isinasagawang imbestigasyon ang mga kalaban sa pulitika o kaalyado ni Duterte lalo pa nga at palapit nang palapit ang May 12, 2025 midterm elections. May narinig pa akong ginagamit lang daw ang quadcom para siraan ang mga kalaban sa pulitika.
Nag-iiringan ang mga senador at congressmen na kapartido ni Digong at ni President Ferdinand Marcos Jr. Lalo pang lumubha ang sikmatan nang ibunyag ni dating police colonel at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na si dating President Duterte ang nasa likod ng extra judicial killings (EJKs) at ito rin ang nag-utos na bigyan ng reward ang mga pulis na makakapatay ng drug suspects. Ayon kay Garma, ang reward ay nagsisimula sa P20,000 hanggang P1-milyon.
Ayon pa kay Garma, ipinatawag siya ni Duterte noong 2016 at nagpahanap sa kanya ng tao na magsasagawa ng plano na naka-pattern sa “Davao model”. Kinuha ni Garma ang kapwa upperclassman niya sa PNPA na si Col. Edilberto Leonardo na noon ay hepe ng CIDG-Davao. Si Leonardo ang nagsagawa ng mga iniutos ni Digong. Hindi naman sinabi ni Garma kung saan kukunin ang pondo para sa reward sa mga pulis na makakapatay ng drug suspects.
Inihayag din ni Garma na tungkol sa pagkakapatay kay Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili. Sinabi umano sa kanya ng isang pulis na nagngangalang “Albotra” na sila ang pumatay kay Halili. Napatay si Halili noong 2018 nang barilin habang isinasagawa ang flag ceremony.
Marami pang sinabi si Garma sa pagdinig ng quadcom kaugnay sa EJKs at nang tanungin siya ng isang mambabatas kung bakit ibinunyag ang mga nangyari, gusto na raw niyang mangibabaw ang katotohanan at para na rin daw sa hinaharap ng mga anak.
Isinangkot din ni Garma si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na noo’y PNP chief at implementor ng Oplan Tokhang. Itinanggi naman ni Dela Rosa ang paratang. Wala rin daw siyang alam sa reward system na binanggit ni Garma. Sabi ni Bato na magsasagawa rin siya ng sariling pag-iimbestiga sa war on drugs para malaman ang katotohanan. Maaring dumalo raw si Duterte sa gagawin niyang pag-iimbestiga.
Pero sabi ni Senate President Chiz Escudero, kailangan ay buong Senado ang magsasagawa ng imbestigasyon upang mawala ang agam-agam na may kinikilingan ang mga senador.
Tama si Escudero, hindi dapat na si Bato lamang ang mag-iimbestiga—dapat lahat ng senador. Magiging komedya ang kalalabasan kung si Bato ang mag-iimbestiga. Meron ba namang inaakusahan na siya ang mag-iimbesiga? Ibig bang sabihin, iimbestigahan niya ang sarili—e di absuwelto siya kapag ganun. Abangan!
- Latest