Suklam (104)
“Sasama ako ‘Tay!’’ sabi ni Brent. Paalis na ang kanyang tatay at si France nang magpasya si Brent.
Hindi makapaniwala ang kanyang tatay. Nanatili sa pagkakatayo sa may pinto. Maging si France ay natigilan sa pasya ni Brent.
“Magbibihis lang ako, ‘Tay!’’
“Sige Brent,’’ sabi ng kanyang tatay na halatang nasiyahan. Bumalik ito sa salas at naupo sa sopa. Si France ay nagbalik naman sa kuwarto nito.
Nagmamadaling nagbihis si Brent. Habang nagbibihis, iniisip niya ang ginawang pasya. Sa totoo lang, kagabi pa ay nagpasya na siya. Bilang kahilingan ng kanyang nakaratay na ina, dadalaw siya. Gaya nga ng sabi ng kanyang tatay, huling kahilingan ng taong mamamatay kaya pagbibigyan. Sabi pa ng tatay niya, ayaw nitong may dinadala sa konsensiya.
Ganundin ang dahilan ni Brent—ayaw din niyang may dalahin sa isip. Handa na niyang patawarin ang nagkasalang ina. Huling kahilingan ng mamamatay kaya hindi na niya ipagkakait. Kakalimutan na niya ang masakit na nakaraan.
Habang patungo sila sa kinaratayang bahay ng kanyang ina ay walang imikan sina Brent, Tatay at France. Si Brent nagmamaneho ng kotse.
Makalipas ang isang oras, nakarating sila sa Sampaloc. Sa isang kalye sa likod ng UST sila nagtungo.
Hinihintay na sila ng kaibigan na kumupkop na nagpakilalang si Diana.
“Kanina pa niya kayo hinihintay,’’ sabi ni Diana.
Niyaya sila sa kuwarto na kinaroonan ng ina.
Walang imik na sumunod ang tatlo.
Hanggang makita nila ang babaing nagkasala sa kanila. Payat na payat. Mahina. Nakakapagsalita pero marahan.
(Itutuloy)
- Latest