‘Basta wala kayong gagastusin dito sa bahay. Sa paraang iyan ako makakabawi sa mga ginawa mong kabutihan sa akin noon, King,’’ sabi ni Dex. “Hindi ko malilimutan ang mga yun habang ako ay nabubuhay.’’
Napangiti si King.
‘‘Parang kapatid na ang turing ko sa iyo kaya habang narito kayong mag-asawa sa bahay ko, wala kayong gagastusin. Kung tutuusin, kulang pa nga ang mga ginagawa ko sa mga ginawa mo sa akin nun. Walang-wala ako nun at ikaw ang nagpapahiram sa akin ng pera, gamit at hindi mo ako sinisingil. Galit ka pa nga sa akin kapag binabayaran ko.’’
“Naalala mo pa yun, ha-ha-ha!’’
‘‘Sabi ko nga sa’yo ang mga nagawa mo sa akin nun, hindi ko malilimutan habang ako ay nabubuhay. Ang mga nagawa mo sa akin, na-rito at nakatatak na sa utak ko.’’
‘‘Naks, baka maiyak ako, Dex.’’
“Totoo naman. Hindi ko malimutan yung minsan ay gutom na gutom na ako at walang pera dahil naubos sa tuition ko. Ikaw ang nagpakain at nagpautang sa akin. Natatandaan ko pa na madalas mo akong pakainin sa restaurant na malapit sa kambal na simbahan sa Bustillos—ano ngang restaurant yun, King?’’
Inisip ni King.
“Delicious!’’
“’Yun nga, ha-ha-ha. Ang sarap ng chopsuey dun at BBQ.’’
“Oo nga!’’
“Hindi ko malilimutan ang mga nagawa mo kaya huwag mong ipagpilitan na magbigay ng pera para share dito sa bahay. Wala kayong gagastusin dito.’’
‘‘Salamat uli Dex. Hindi ako nagkamali na maging kaibigan ka.’’
MINSAN, napagmasdan ni Dex si Lara habang nagpupunas ng sahig sa salas. Nagtataka si Dex kung bakit tahimik si Lara. Hindi ito masalita. Trabaho lang nang trabaho.
Bakit kaya? (Itutuloy)