Huling Eba sa Paraiso(106)
‘‘Nalaman ko rin na mula nang ako ang mag-perform sa club, lumaki ang kita ni Mr. C. Dahil dagsa ang mga gustong manood sa akin, limpak na pera ang iniakyat ko sa kanya. Nalaman ko yun sa isang waiter ng restawran. Mula raw nang magsayaw ako, lagi nang maraming kita. Pero kahit daw ganun kalaki ang kinmikita ng club ay laging atrasado ang kanilang suweldo. Masyado raw suwitik si Mr. C na ang gusto yata ay huwag nang pasuwelduhin ang mga waiter at mga cook,’’ pagkukuwento pa ni Marianne.
“Gusto siguro ay siya lamang ang mabuhay. Masyadong sakim!’’
“Tama ka, Drew.’’
“Nang malaman mo na ikaw ang nag-aakyat ng pera sa hayop na si Mr. C, ano ang ginawa mo?’’
“Wala. Basta ipinagpatuloy ko lang ang pagkukunwari na gusto ko na rin ang pagsasayaw ko. Isang paraan kasi yun para hindi niya ako kulitin sa iniaalok niyang maging asawa ako at isa pa – para hindi ako babuyin gaya ng mga ginawa sa akin nun.’’
“Pero nag-attempt ka ba na tanungin kung ano na ang nangyari sa utang mo sa kanya.’’
“Nag-attempt ako pero sabi niya, saka na lamang namin pag-usapan. Huwag daw akong mag-alala ukol dun. Medyo napanatag ako sa sinabi niya.’’
‘‘Anong sumunod na pangyayari ?’’
‘‘Ang pagkikita na natin – ang pag-rescue mo sa akin. Hindi ko malilimutan yun,’’
‘‘Pero noon alam mo nang kung sasama ka sa akin, tiyak na malaking problema ang kahaharapin mo.’’
“Oo. Di ba yun nga ang isa sa mga sinabi ko sa’yo nun—hahanapin ako ng bodyguards ni Mr. C.’’
“Pero sa palagay mo, malaki pa talaga ang utang mo sa ganid na Intsik?’’
‘‘Ang alam ko, bayad na ako—sobra-sobra pa nga. Ayaw lang talaga niya akong paalisin dahil babagsak ang club niya.’’
Napatangu-tango si Drew. Malaking kawalan si Marianne kay Mr. C kaya tiyak na hanggang ngayon, ipinahahanap pa siya nito. Hindi titigil si Mr. C hangga’t hindi naibabalik si Marianne sa club. (Itutuloy)
- Latest