“Hindi po kaya dahil sa may-aring Intsik na kung makatingin sa kanya ay para siyang hinuhubaran? Hindi po kaya yun ang dahilan Lola kaya umiiiyak si Marianne kung gabi?’’ tanong ni Drew.
“’Yan din ang naisip ko Drew. At natatakot ako. Baka kung ano ang mangyari sa kanya kung ‘yun nga ang dahilan.’’
“Sana ay mapilit mong magtapat si Marianne, Lola.’’
“Ganyan nga ang ginagawa ko, Drew.’’
“Paano po ang gagawin mo Lola kung sabihin ni Marianne na ang may-aring Intsik nga ang dahilan kaya siya umiyak.’’
“Hindi ko na siya papayagang magpunta sa restaurant. Kahit pa anong mangyari. Mapapahamak siya!’’
“Tama po Lola. Hindi na siya dapat magtungo roon.’’
“Sana naman ay mali ang hinala ko. Natatakot ako Drew na may mangyari sa apo ko.’’
“Pilitin mo siyang magtapat kung ano ang problema at laging umiiyak.’’
“Sige Drew. Salamat sa payo mo.’’
“Siyanga po pala, pagbalik ko rito, sasabihin ko sa iyo kung kailan maipatse-checkup ang mga mata mo. Huwag kang mainip Lola.’’
“Salamat Drew. Hulog ka ng Diyos sa amin ni Marianne.’’
“Huwag ka munang magpasalamat, Lola. At ipaaalala ko lang uli na huwag mo munang masasabi kay Marianne ang ginagawa kong pagtulong. Gusto ko maging lihim ito.’’
“Oo Drew. Hindi malalaman ni Marianne ang ginagawa mo sa aking tulong.’’
“Salamat po.’’
Bago nagpaalam si Drew, muli niyang inabutan ng perang tulong si Lola.
ANG balak ni Drew na pagpapagamot sa mga mata ni Lola ay sinabi niya kay Tikoy.
‘‘Paano kaya natin maipapagamot si Lola, Tikoy na hindi malalaman ni Marianne na ako ang gumagawa?’’
‘‘Madali lang ‘yan, e ‘di ako mangangasiwa sa pagpapagamot. Sasabihin ko mula sa isang tao na ayaw magpakilala.’’
‘‘Paano tayo kokontak ng doktor para maipagamot si Lola?’’
‘‘Ako ang bahala, Kuya.’’
(Itutuloy)