Alupihan (228)

Humingi ng ballpen at papel si Cris at isinulat ang buong pangalan at apelyido ni Hani. HANI LUPA.

Pagkatapos ay ipinakita iyon sa nanay ni Hani.

‘‘Kapag po pinaghalu-halo ang pangalan at apel-yido ni Hani ay mabubuo ang salitang ALUPIHAN. Talaga po bang wala kayong pinagbasehan ni Tatay sa pangalan ni Hani ?’’

‘‘Bakit po Hani ang naisip n’yong pangalan?’’

“Ah kasi nanggaling yun sa honey. Nung bagong kasal kami ang tawag sa akin ng tatay ni Hani ay honey. Pero nang tumagal e hindi na niya ako tinatawag na honey. Sa umpisa lang, he-he-he!’’

Nakitawa rin sina Cris at Hani.

Maya-maya, dumating ang tatay ni Hani galing sa pag-aararo sa bukid at nagtaka kung bakit nakaupo sa lupa si Hani.

Ipinaliwanag ng nanay kung bakit.

Naunawaan ng tatay ang lahat.

Sinabi rin ng nanay ang tungkol sa pangalan at apel­yido ni Hani na nabubuo ang salitang ALUPIHAN.

Labis din ang pagtataka ng tatay. Ngayon lang daw nila nalaman iyon.

Wala raw silang kaalam-alam na ang binigay nilang pangalan kay Hani ay may mabubuong ibang pangalan at nagkataong sa ALUPIHAN pa.

“Kung hindi sa’yo Cris ay hindi namin malalaman ‘yan.’’

“Nagkataon lang po talaga siguro, Tatay.’’

“Oo nga.’’

Nang tingnan ni Cris si Hani ay nanumbalik na ang lakas nito. Hindi gaya kanina na namutla at malamig ang pawis.

“Okey ka na Hani?’’

“Oo.’’

KINABUKASAN, isinama ni Hani si Cris sa taniman ng prutas. Iba’t ibang prutas ang nakatanim sa dalawang ektaryang lupa. Maganda ang lupa kaya madaling mabuhay ang kahit anong bungang kahoy.

Ang puno ng suha ang una nilang nakita.

“Aakyat ako, Hani!’’

“Mag-ingat ka.’’

Umakyat si Cris. Pinitas ang mga hinog. Naparakaming bunga.

‘‘Matamis ba ang mga ito?’’ tanong ni Cris nang makababa at binalatan ang isang suha.

‘‘Super tamis.’’

Nang mabalatan at tikman ni Cris, super tamis nga.

Sunod nilang pinuntahan ang mga punong bayabas, langka at atis na nasa isang mataas na bahagi. Napakaraming bunga at pawang mga hinog na. Nagsawa sila sa pagkain.

Pagkatapos ay tinungo nila ang tuktok ng bundok. Mula roon, pinagmasdan nila ang paligid. (Itutuloy)

Show comments