Sunud-sunod na unday ng kutsilyo ang ginawa ni Gretchen kay Hani. Mabilis namang nakailag si Hani. Talagang papatayin siya! Baliw na nga siguro si Gretchen. Wala na sa katinuan. Sa tingin ni Hani ay naka-droga.
“Sama-sama na tayo sa impiyerno!’’ sabi ni Gretchen at dinaluhong muli si Hani. Walang patumangga ang pag-unday. Umatras si Hani.
Hanggang sa nakorner siya. Inundayan siya. Sinangga niya ang saksak at nadaplisan siya sa kamay.
Nang muling umunday ng saksak si Gretchen, saka may sumigaw.
“Pulis! Ibaba mo ‘yan! Sumuko ka nang maayos!’’
Napalingon si Gretchen.
Iyon ang sinamantala ni Hani at biglang tumakbo palayo kay Gretchen.
Ang pulis naman ang hinarap ni Gretchen. Dinaluhong ito ng saksak. Nag-warning shot ang pulis pero patuloy pa rin sa pagsugod si Gretchen. Walang magawa ang pulis kundi barilin sa kamay si Gretchen. Sapat para mabitiwan ang kutsilyo.
Iglap na sinunggaban siya ng dalawang pulis.
Nagpipiglas si Gretchen. Malakas pa rin kahit may sugat sa kamay at nagdudugo. Pinagtulungan siyang maposasan.
Hanggang sa maibaba ito sa bahay at naisakay sa police car.
Si Hani naman ay halos natulala sa pangyayari. Hindi halos makapagsalita.
Pinayapa siya ni Cris.
“Tapos na ang bangungot, Hani. Lutas na ang problema. Si Gretchen pala ang may plano ng lahat. Siya pala ang kumutsaba sa magnanakaw.’’
Saka lamang nahimasmasan si Hani.
Nagpatuloy si Cris sa pagsasalita.
“Sabi ng lalaking nanghostage sa’yo, lulong sa droga si Gretchen. Kailangan ng pera para sa bisyo niya. Kaya pala ganun ang ugali niya e dahil addict.’’
Napaiyak si Hani.
“Muntik na niya akong mapatay Kuya.’’
“Nang nasa presinto ako bigla nga kitang naalala na delikado ang lagay mo kay Gretchen. Kaya mabilis kaming nagtungo rito.’’
“Kung hindi kayo nagtungo rito baka nasaksak na niya ako,’’ sabi ni Hani at umiyak uli ito.
“Ngayon ay wala na tayong problema.’’
“E si Diana, Kuya?’’
Nag-isip si Cris. (Itutuloy)