Alupihan (161)

Hindi na sinabi ni Cris kay Jaymee na maski si Hani ay napuntirya na ni Gretchen at katunayan ay may nangyaring hindi maganda noong isang gabi kung saan napunit ang damit ni Hani.

“Paalala lang Kuya, hu­wag ka pong kasisiguro kay Gretchen. Mag-ingat po kayo.’’

“Maraming salamat Jay­mee. Mag-ingat ka rin.’’

Umalis na si Jaymee.

Naiwang nag-iisip si Cris.

Walang nabanggit si Jaymee ukol kay Diana. Maaari kayang hindi nila alam na naging ‘‘siyota’’ rin ni Gretchen si Diana. At siguro ay hindi rin nila alam na mayroong masamang balak si Diana – may kinutsabang magnanakaw para magnakaw dito sa bahay. At kaya umalis ito at nagtungo sa probinsiya ay para hindi ma­pagbintangan.

Bakit kaya walang alam si Jaymee kay Diana?

Napabuntunghininga si Cris. Sunud-sunod.

Dalawa na ang proble­mang kinakaharap niya – problema kay Diana at problema kay Gretchen.

Parehong mabigat.

Etong problema kay Diana­ ay nagbibigay sa kanya­ ng pangamba sa­pag­kat anu­mang oras ay maa­aring isagawa ang pagna­nakaw. Dapat alerto siya palagi.

Etong problema kay Gretchen, mabigat din dahil nawalan siya ng tatlong boarders. Apektado ang kanyang kinikita. Natakot ang tatlo sa ginagawa ni Gretchen.

Naisip ni Cris, habang nakatira rito si Gretchen, tiyak na problema ang laging kahaharapin niya. Napa-tsk-tsk si Cris. Akala niya, hindi magdudulot ng problema kung ang boarders niya ay mga babae --- ‘yun pala, pawang sakit ng ulo ang idudulot sa kanya.

Napabuntunghininga uli si Cris.

At naisip niya, si Hani lamang ang hindi naghahatid ng problema sa kanya.

(Itutuloy)

Show comments