Ang Magkapatid (52)
MAY dumating na media at humiling na mainterbyu si Ipe. Pumayag si Ipe. Ikinuwento niya ang mga pinagdaanang hirap bago nakapagtapos sa kolehiyo at naging topnotcher sa CPA exams. Sinabi niyang dati siyang tindero ng gulay sa palengke. Mula sa pagtitinda ay nabuhay silang magkapatid at nakapag-aral. Naging crew din sa fastfood restaurant. Pero sa kabila ng mga pinagdaanang hirap, hindi sila sumuko.
Sinabi ni Ipe na ang kanyang mama ang inspirasyon kaya nagsikap na makatapos at mag-top sa exams.
“Single mother si Mama,” sabi niya sa harap ng babaing taga-media. Gumigiling ang kamera at walang tigil ang pitik sa mga kamera sa paligid. May mga taong nag-uusyuso sa labas ng bahay. “Inabandona kami ng aming ama. Wala kaming natanggap na tulong kahit isang kusing. Tanging si Mama ang bumalikat para kami mabuhay. Hanggang sa magkasakit si Mama at namatay. Sayang at hindi niya nakita ang ganitong pagkakataon na naabot ko ang pinakamataas na karangalan. Iniaalay ko kay Mama ang karangalang natanggap. Sa aking palagay, maligaya siya saan man naroon ngayon…’’
Kinabukasan, laman si Ipe nang halos lahat ng diyaryo. “DATING TINDERO NG GULAY NAG-TOP SA CPA EXAMS!’’
Bumili si Ada ng diyaryo at ipinakita sa kanyang kuya.
“Kuya, balitang-balita ka! Halos lahat ng diyaryo naroon ang interbyu sa’yo.’’
“Hindi pa rin ako makapaniwala, Ada. Ganito pala ang pakiramdam ng nakamit ang pangarap.’’
“Palagay ko Kuya, nabasa ni Papa ang balita tungkol sa’yo.’’
“Tiyak yun.’’
“Ano kaya ang masasabi niya ngayon?’’
Napangiti lang si Ipe.
Nang muling magsalita si Ada ay may anghang.
“’Yung kayang matandang matapobre, Kuya, nabasa rin kaya?’’
“Posible. Lahat naman ngayon wala nang imposible para hindi malaman ang nangyayari sa paligid.’’
“Ano kayang masasabi ng matapobre? Ano kayang reaksiyon?’’
Nakangiti lang si Ipe. May naglalaro sa kanyang isip.
(Itutuloy)
- Latest