NAKANGITI si Amy habang lihim na kinukunan, gamit ang kanyang cell phone, ang pag-aabot ni Sir Hector ng pera kay Salome. Maraming kuha ang ginawa ni Amy para lubusang maipakita kay Mam Pilar ang nangyari. Matibay ang kanyang ebidensiya at hindi maaakusahang naglulubid lamang ng buhangin. Sa mga kuhang iyon, tiyak na ang pagpapalayas ni Mam Pilar kay Salome. Hindi makakapiyok si Salome sapagkat matibay ang ebidensiya nang pag-aabutan ng pera.
Hanggang sa makita ni Amy na umalis na si Sir Hector at nagpatuloy naman sa paggagamas ng damo si Salome.
Nagmamadaling umalis si Amy sa bintana at baka makita siya ni Sir Hector. Nagtungo siya sa kanyang kuwarto sa basement at saka nirebyu ang mga kuha. Napakalinaw ng kanyang kuha kina Sir Hector at Salome. Itinago niya ang cell phone. Pagdating ni Mam Pilar mula sa pagka-casino ay ipakikita niya ang mga kuha. At tiyak na alam na niya ang kasunod niyon. Lilipad na si Salome. Napahalakhak nang lihim si Amy.
Samantala, agad namang ikinuwento ni Salome kay Manang Sabel ang mga sinabi ni Sir Hector sa kanya sa halamanan. Pati ang pagbibigay ng pera ay ikinuwento niya.
“Mabuti naman at kinampihan ka ni Sir Hector, Salome. Kung halimbawa’t hindi, kawawa ang kalagayan mo rito. Talagang mabait ang Diyos sa iyo. Mabait ka kasing bata.’’
“Siguro po’y dahil na rin kay Mac kaya ako kinakampihan ni Sir Hector. Si Mac po ang nag-insist kay Sir Hector na pag-aralin ako. Nakinig po si Sir Hector kay Mac.’’
“Maaasahan talaga si Mac. Kilala ko ang batang iyon na makatwiran at marunong umunawa sa kalagayan ng kapwa.’’
“Oo nga po Manang.’’
“Hindi ba nanliligaw sa iyo si Mac.’’
“Naku hindi po.’’
“Bakit kaya ganun na lamang ang pagmamalasakit sa’yo.’’
“Hindi ko po alam, Manang.’’
“Masyadong nawili sa paglalakad ang batang ‘yun. Kailan kaya siya titigil.’’
Napangiti lang si Salome.
Hanggang may naalala.
“Kinakabahan lang ako Manang sa sinabi ni Sir Hector na aalis pala siya at matagal bago babalik. Baka po may gawin sa akin si Mam Pilar.’’
“Huwag kang matakot. Nasa tabi mo ako.’’
(Itutuloy)