Black Widow (135)

HANGGANG may makitang liwanag si Jam mula sa paparating na kotse. Si Jose na ito! Napangiti siya. Ang mahigit isang oras niyang paghihintay kay Jose ay nagkaroon ng bunga.

Nang makita niya ang kotse ni Jose ay lalo siyang natuwa. Eto na nga si Jose! Humanda ka, Jose!

Nang ganap na makaahon ang kotse at patungo na sa kinaroonan ni Jam, bigla siyang lumabas sa pinagkukublihan at humarang sa daraanan ng sasakyan. Biglang preno si Jose.

Hindi agad umalis si Jam sa kinatatayuan. Naghintay siya ng reaksiyon mula kay Jose.

Ibinaba ni Jose ang bintana ng kotse at tinawag si Jam.

“Jam!’’

Saka lamang lumapit si Jam.

‘‘Bakit narito ka pa?’’

“Hinihintay talaga kita.’’

“Bakit?’’

“Masama ba?’’

“Nagtataka lang kasi’y di ba alas singko pa ang out mo e ngayon past eight na.’’

“Nag-OT ako no? Tapos nagbakasakali na hintayin ka. E nakatsamba!’’

Napatangu-tango na lang si Jose. Pero mayroon siyang iniisip.

‘‘Hindi mo ba ako pasasakayin? Ang sakit na ng binti ko, aruy!’’

“Halika,” binuksan ni Jose ang pintuan sa kanan.

Sumakay si Jam. Tumakbo na sila.

‘‘Ang bango ng kotse mo! Lalaking-lalaki ang amoy.’’

Hindi nagsalita si Jose. Nag-iisip siya ng paraan kung paano maiiwasan si Jam. Tiyak niyang magpapahatid ito sa bahay.

“Gusto mo kumain tayo Jose. Ako ang magbaba-yad.’’

“A e busog pa ako. Nagmeryenda ako bago umalis.’’

‘‘Ako nagugutom na. Halika na, kain tayo.’’

“Maghihintay ang anak kong si Iya.’’

“Saglit lang tayo. Sige na, gutom na ako!’’

Walang magawa si Jose.

‘‘Gusto ko sa Japanese restaurant sa mall’’ sabi ni Jam.

‘‘Magsasara na ang mall.’’

“Hindi pa. Pasado alas otso lang.’’

Doon sila nagtungo. Binilisan ni Jose ang pagda-drive. Habang tumatakbo, may naisip na siyang paraan kung paano matatakasan si Jam. Kapag kumakain na sila, magpapaalam siyang pupunta sa comfort room. Pero kayanin kaya niya?

Matiis kaya niyang iwan si Jam?

(Itutuloy)

Show comments