Black Widow (121)

TATAPUSIN na sana ni Marie ang pakikipag-usap kay Jose nang biglang may maalala.

‘‘Jose, sigurado ka bang wala sa paligid si Jam? Baka naman kunwari na nakaalis na siya pero nariyan lang pala siya sa paligid at nagmamasid. Baka alam na niyang peke ang pagkasira ng kotse mo at mayroon na namang binaba­lak. Sure ka bang nakaalis na ang kaibigan ko?’’

Nagtawa muna si Jose bago sumagot.

“Sure na nakaalis na siya, Marie. Nakita ko ang pag-alis. Hinabol ko pa nga ang pag-alis ng taxing­ sinakyan. Nang wala na sa paningin ko ang taxi saka naman ako umalis. Don’t worry, sweetheart.’’

“Naniniguro lamang ako. Okey, hihintayin kita rito.’’

Nang matapos ang pag-uusap nila ni Jose, lalong nakadama nang matinding kasiyahan si Marie. Hindi nagkatotoo ang mga na­iisip niya kanina. Ngayon ay lubos na lubos na ang pagtitiwala niya kay Jose. Wala nang duda na siya lamang at wala nang iba ang babaing mahal ni Jose. Kahit pa ipagduldulan ni Jam ang sarili kay Jose, walang epekto rito. Hindi kakagatin ni Jose ang mansanas na ibinibigay ni Jam.

At nang oras ding iyon, isang mabilis at tiyak na pasya ang ginawa ni Marie. Ipagtatapat niya kay Jam na may relasyon na sila ni Jose. Hindi na niya itatago pa ang relasyon nila ni Jose. Mabu­ting malaman na ni Jam ang lahat para tumigil na ito sa ginagawang pang-aakit kay Jose. Dapat nang matigil ang mga kabaliwan ni Jam. Isa pa, hindi naman siya papa­yag na maagaw pa sa kanya si Jose. Ngayon pa na tiyak na siya sa damdamin para kay Jose. Patutunayan din niya na mali ang hula na mamamatay muli ang ika­apat na lalaki sa buhay niya. Sabi nga ni Jose sa kanya, nagkataon lamang iyon at hindi dapat paniwalaan.

Hanggang marinig ni Marie ang pagtigil ng sasak­yan ni Jose sa tapat. Nagmamadali siyang nagtungo sa pintuan para silipin si Jose. Nakita niyang pababa na ito ng kotse.

Binuksan niya ang pinto at sinalubong si Jose. Hindi na niya napigil ang sarili na yakapin si Jose. Ginanti naman ni Jose ang yakap ni Marie.

‘‘Akala ko may mang­ya­yari na sa inyo,’’ sabi niyang pabulong dito.

‘‘Halata ko nga sa ekspresyon ng mukha mo nang umalis kami kanina. Nakita ko ang pagwo-worry mo.’’

‘‘Ang tagal ko ngang nag-isip. Kung anu-ano ang naimadyin ko na mang­yayari sa inyo.’’

‘‘Kaya nga nang umalis kami, agad akong nag-isip ng paraan kung paano makakaiwas kay Jam. Mabuti at mabilis akong mag-isip.’’

‘‘Hanga nga ako sa’yo. Ibang klase ka, Jose.’’

‘‘Salamat po. Naisip ko yun dahil sa pagmamahal ko sa’yo.’’

Napangiti nang buong tamis si Marie.

Ginawa na nila ang plano. Kinausap nila si Pau. Ipinagtapat ang ka­ni­lang relasyon. Nauna­waan sila ni Pau. Masaya si Pau sapagkat lalo silang magkakalapit ni Iya.

Tuwang-tuwa si Jose.

‘‘Sabi ko na’t hindi tututol si Pau.’’

‘‘Ang bait talaga ng anak ko.’’

(Itutuloy)

Show comments