Black Widow (116)

PINAGSALUHAN nila ang mga pagkaing dala ni Jose. Walang tigil si Jam sa pagkukuwento ng mga nangyayari sa office nila. Masaya raw siya sa trabaho. Nagpasalamat siya kay Jose dahil naipasok sa trabaho. Kung hindi raw dahil kay Jose ay baka nagmumukmok pa siya sa bahay at walang career.

Nakatingin lang si Marie kay Jam. Hindi na siya naalala ng kaibigan. Nalimutan na nito na siya ang nagsabi kay Jose para maipasok sa trabaho. Pero binalewala na iyon ni Marie. Hindi na niya dapat pang isumbat iyon.

Patuloy si Jam sa pagkukuwento at hinayaan na lamang nina Marie at Jose.

Nang magtungo sa comfort room si Jam, sinamantala nina Marie at Jose ang pagkakataon na mag-usap.

“Nasira ang plano natin Marie. Hindi natin masasabi kay Pau ang tungkol sa atin.’’

“Oo nga. Hindi ko akalaing darating siya. Parang alam niya na narito ka.’’

“Baka sinusubaybayan ako.’’

Nag-isip si Marie.

“Paano ang gagawin natin, Jose?’’

“Kung sabihin na kaya natin na mag-on na tayo. Bakit ba pa ba natin ipaglilihim?’’

“Huwag! Ayoko munang malaman niya.’’

“Bakit?’’

“Basta! Huwag mu­na nating sabihin.’’

“Sige, ikaw ang masusunod.”

Nakita nila ang pag­labas ni Jam sa CR at lumapit sa kanila.

“Tamang-tama talaga ang pagpunta ko rito dahil narito si Jose,’’ sabi at naupo sa tabi ni Jose.

“Aalis na nga ako. Baka hinihintay na ako ni Iya sa bahay. Inihatid ko nga lang ang mga pagkain,’’ sabi ni Jose.

“Mamaya ka na umalis, Jose.’’

“Hindi puwede, baka hanapin ako ng anak ko.’’

Hindi makapagsalita si Marie. Ano ang sasabihin niya?

“Kung aalis ka na, aalis na rin ako. Sasa­bay ako sa’yo, Jose.’’

Patda si Jose.

Tulala si Marie.

“Tayo na, Jose,”’ yaya ni Jam.

(Itutuloy)

Show comments