Black Widow (83)
“NAPAKABUTI mong kaibigan, Marie,” sabi ni Jose. “Bihira na ang katulad mo na masyadong apektado sa problema ng kaibigan.’’
“Matagal na kasi kaming magkakilala ni Jam. Noong magkasama kami sa trabaho, kami lagi ang magkasama. Parang magkapatid na nga kami. Kaya nga nang malaman ko ang problema niya sa pamilya, apektado ako. Para bang dala ko na rin ang problema niya.’’
“Pero noong magkasama pa kayo, may nahahalata ka sa kanya na mayroon itong kinahuhumalingan gaya nang sinabi ng asawa niya.’’
“Wala. Kaya nga hindi ako naniniwala sa mga sinabi ng kanyang dating asawa. Kung mayroon siyang lalaki o kalaguyo, sana nahalata ko. Maghapon kaming magkasama kaya masasabi ko na wala siyang ginagawang palso para masira ang kanyang pamilya.’’
“Talagang nasubaybayan mo siya.’’
“Oo. At saka wala naman sa pigura ni Jam na manlalalaki. Walang katotohanan ang sinabi ni Pete. Gusto lang niyang isisi ang lahat kay Jam.”
Hindi na nagsalita si Jose na para bang kumbinsido rin sa mga sinabi ni Marie.
ISANG araw ng Linggo, dinalaw ni Marie si Jam sa apartment nito.
“Kumusta ka na?’’
“Okey lang, Marie. Mabuti at nadalaw ka. Sana isinama mo si Pau.’’
“Nasa nanay ko. May pupuntahan daw sila.’’
“Siyanga pala, birthday ko sa Linggo. Dinner tayo rito. Anyayahan natin si Jose.’’
“Ay oo nga pala, birthday mo na. Happy birthday.’’
“Salamat. Mas masaya sana kung narito ang mga anak ko.’’
“O huwag nang iiyak. Sige, magselebreyt tayo. Sasabihin ko kay Jose.’’
“Para naman sumaya ang buhay ko kahit kayo lang ang bisita ko.’’
(Itutuloy)
- Latest