Black Widow (30)
BAKIT ba siya kinabahan nang makita ang lalaki? Hindi siya dapat magkaganito na parang may kung anong nararamdaman sa lalaki gayung hindi naman niya alam kung binata o may asawa ang lalaki. Dapat maging relaks siya at panatag. Iyon ang sinasabi ni Marie sa sarili nang makita ang lalaki sa waiting area ng school. Huwag siyang maging gaga dahil naipangako na nga niya sa sarili na hindi na mag-aasawa. Tapos na ang pakikipagrelasyon niya makaraang mamatay ang ikatlong asawa. Wala nang susunod kay Mark!
Hindi siya nakikita ng lalaki dahil sa ibang direksiyon ito nakatingin. Minabuti ni Marie na huwag nang lumapit pa sa kinaroroonan ng lalaki. Maari naman siyang maghintay sa dako pa roon ng waiting area. Makikita rin naman agad niya si Pau kapag lumabas ito. Tinungo niya ang kabilang dulo ng waiting area. Walang gaanong naghihintay doon. May mga bakanteng upuan sa gilid. Naupo siya. Para malibang at malimutan ang lalaki, dinukot niya ang cell phone at kunwari’y nagte-text. Iniwasan niyang masulyapan ang lalaki.
Hanggang sa marinig niyang naglalabasan na ang mga estudyante. Tiningnan niya ang relo. Labasan na nina Pau.
Iglap pa at may mga lumalabas na.
Nagdesisyon siyang lumapit na sa may gate na labasan at baka hindi siya makita ni Pau. Marami nang lumalabas sa gate.
Paglapit niya ay eksakto naman na may estudyanteng babae, kasing-edad marahil ni Pau na lumapit sa naghihintay na lalaki. Narinig niyang tinawag ng estudyante na “Daddy” ang naghihintay na lalaki. Anak pala niya ang sinusundo. Nakita niyang humalik ang anak sa lalaki.
Umiwas si Marie na makita ng lalaki.
Hanggang sa makita niya si Pau na papalapit na rin sa kanya.
“Mommy!” Sabi ni Pau nang makita siya. Kinawayan niya. Lumapit si Pau sa kanya at humalik sa pisngi. Nakasanayan na ni Pau ang paghalik sa kanya.
“Kanina ka pa, Mommy?’’
“Oo. Napaaga ang punta ko rito.’’
“Bakit?’’
“Basta, napaaga ako. Halika na.’’
Lumakad na sila. Habang naglalakad ay palinga-linga si Marie. Hinahanap niya kung nasaan ang lalaki at anak nito.
“Sinong hinahanap mo Mommy?’’
“Ha? A yung isang nanay na nagtanong sa akin kanina. Tinatanong kung saan naghihintay ang parents sa anak.’’
“Hindi niya alam?”
“Oo.’’
Pagdating nila sa sakayan ng dyipni, nakita ni Marie ang lalaki at ang anak nito. Naghihintay din ng masasakyan.
(Itutuloy)
- Latest