APEKTADO si Marie ng mga nangyayari kay Jam. Mabuting kaibigan si Jam kaya nag-aalala siya rito. Gusto niya itong damayan sa abot ng kanyang makakaya.
Nang ilang araw nang hindi pumapasok si Jam ay lalong nag-alala si Marie. Tinawagan niya sa CP nito pero hindi sinasagot. Walang anumang balita sa kanyang kaibigan. Hindi rin ito tumawag sa telepono. Dati kapag uma-absent ito ay tumatawag sa kanilang departamento at ipinaaalam ang nangyari kung bakit absent. Nag-alala lalo si Marie nang magtanong ang kanilang boss kung bakit wala si Marie. At dahil siya ang alam na matalik na kaibigan, siya ang tinanong ng secretary ng boss.
“Marie wala ka raw bang alam kay Jam. Tinatanong ni Bossing. Isang linggo na siyang wala pero walang paalam.’’
“Wala rin akong alam, Helen. Tinatawagan ko sa cell phone pero walang sagot.’’
“Mayroon daw kasing ipagagawa si Bossing kay Jam.’’
“Pupuntahan ko na siya sa bahay niya, Helen. Nag-aalala na rin ako sa kanya.’’
‘‘Sige Marie. Thanks. Sabihin ko na lang kay Bossing.’’
Kinabukasan, nagtungo si Marie kina Jam. Minsan na siyang nagtungo roon. Birthday ng isang anak ni Jam.
Nagtaka si Marie sapagkat parang walang tao. Nakasara ang pinto.
Tumawag siya para makasiguro.
Nakailang tawag siya bago nakarinig ng pagbubukas ng pinto. Si Jam!
“Jam, akala ko walang tao,” sabi niya sa kaibigan. ‘‘Anong nangyari ?’’
Matamlay si Jam.
‘‘Halika, Marie,’’ sabi nito.
Sumunod si Marie sa kaibigan. Isinara ni Jam ang pinto pagkapasok nila.
Nang nakaupo na ay biglang bumunghalit ng iyak si Jam. Gulat na gulat si Marie. Mabigat na mabigat ang loob ni Jam.
‘‘Bakit Jam?’’
‘‘Hindi na umuuwi ang asawa ko, Marie. Iniwan na kami. Isang linggo nang wala siya !’’
Shock si Marie. Mabigat pala ang pinagdadaanan ni Jam. Hindi biro ang problema. Kaya pala hindi ito pumapasok sa opisina may isang linggo na.
“Gusto ko nang mamatay, Marie.’’
Lalong nangamba si Marie sa sinabi ng kaibigan.
(Itutuloy)