(Sequel ng Sinsilyo)
HINDI na pinansin ni Garet ang kanyang Mama Julia. Baka naman ang kausap nito sa cell phone ay ang kaibigan o kaklase sa high school o college. Hinayaan niya. Bakit ba niya pakikialaman ang kanyang mama kung sino man ang kausap nito sa telepono. Dapat din namang intindihin niya ang kalagayan ng kanyang mama na nalulungkot sa pagkawala ng kanyang papa.
Pumasok si Garet sa kanyang kuwarto at sinimulan nang sulatin ang kasaysayan ni Lolo Dionisio aka Kastilaloy. Marami-rami na siyang nalaman ukol dito dahil kay Tita Carmina. Sisimulan niya ang kuwento sa baha-ging natagpuan niya ang libingan nito at kasunod ay ang masalimuot na buhay may-asawa, ang pagiging bum o tamad at ang pagkahilig sa mga nakababatang babae.
Nalibang sa pagsusulat si Garet. Naputol lamang ang pagsusulat nang makaramdam nang pag-jingle. Nang lumabas siya sa kuwarto para dyuminggel ay narinig niya ang boses ng kanyang mama na nasa salas at may kausap sa cell phone. Nagtaka siya, mula pa kanina ay may kausap na ito at hanggang ngayon, may kausap pa rin. Baka mahigit dalawang oras na itong nakikipag-usap.
Napailing si Garet. Nagtungo siya sa comfort room at dyuminggel.
Nang lumabas, muli na naman niyang narinig ang pakiki-pag-usap ng kanyang mama.
Hindi na sana niya papansinin pero nagtaka siya sa narinig sa kanyang mama.
Narinig niyang sabi ng kanyang mama: ‘‘Magkita tayo bukas. Mga five ng hapon. Okey? Sige.”
Nagsalita ang nasa kabilang linya. Pagkatapos ay nagsalita muli ang kanyang mama: ‘‘Huwag dito sa bahay. Sa labas na lang. Oo. Delikado rito.’’
Nagsalita ang nasa kabilang linya. Sumagot muli ang kanyang mama: “Oo. Ako ang bahala. Walang problema sa pera. Oo. Basta ako ang bahala roon. Ano? Pilyo ka ha?’’ At pagkatapos ay nagtawa. Masayang-masaya ang kanyang mama.
Shock si Garet. Ngayo’y tiyak na niyang lalaki ang kausap ng kanyang mama!
(Itutuloy)