MATAGAL nang hinahanap ni Garet ang libingan ni Dionisio Polavieja. Marami na siyang hirap at pagod sa paghahanap sa matanda at ngayong nakita na niya ang libingan nito, malaking tagumpay ang nadama niya. Para siyang nakatuklas ng kayamanan. Hindi niya akalain na dito pala sa memorial park na ito niya makikita ang libingan. Mahigit isang taon na niyang hinahanap ang nag-iisang kapatid ng kanyang lolo.
Pinagmasdan ni Garet ang kabuuan ng libingan. Maganda ang pagkakagawa. Malaking pera ang ginamit sa libingang ito. Ginastusan talaga. Napansin niya ang mga nakatanim na halamang namumulaklak sa paligid. Mukhang alagang-alaga. Nagtaka si Garet kung sino ang gumastos sa libingan. Malaking palaisipan para sa kanya.
Pero hindi muna niya ganap na binigyang pansin iyon. Mas mahalaga sa kanya na natagpuan ang nag-iisang kapatid ng kanyang Lolo Fernando Polavieja.
Umusal ng dalangin si Garet sa harap ng nitso ni Dionisio Polavieja. Idinalangin niya na nasa mabuting mga kamay ang kaluluwa ng kanyang Lolo Dionisio.
Pagkaraang magdasal, umuwi na si Garet. Tiyak na magugulat ang kanyang mama kapag nalamang natagpuan na niya ang libingan ng kanyang Lolo Dionisio.
Pero matabang ang kanyang mama at tila walang sigla nang ibalita niya na natagpuan na ang libingan ng kanyang Lolo Dionisio.
“Bakit mo pa hinanap, Margarita? Sinabi ko naman sa’yo huwag mo nang pag-aksayaan ng panahon si Tiyo Dionisio. Ano ba ang mapapala mo diyan. At saka di ba sinabi ko naman sa’yo may hindi magandang kuwento si Tiyo Dionisio…’’
“Mama, hayaan mo na akong magsaliksik sa buhay ng kaisa-isang kapatid ni Lolo Fernando. Gusto ko lang namang malaman kung bakit nagkaganoon ang kanyang buhay. At isa pa, kahit pagbali-baliktarin, may dugo ka pa ring Polavieja.’’
Napaismid ang mama ni Garet. Saka nagbaba ng boses.
“Sige na nga. Ikaw na nga ang bahala, Margarita.’’
“Salamat, Ma.’’
“Ano pa ba ang gusto mong malaman kay Tiyo Dionisio?”
“Talaga bang iniwan siya ng asawa at anak niya, Mama?’’
“Oo.’’
“Bakit?”
“May kakaibang ugali raw si Tiyo Dionisio. Pero ang sabi naman ni Papa – ni Lolo Fernando mo, nangaliwa ang asawa niya. At yung nag-iisang anak ay hindi nito talaga anak — sa ibang lalaki raw.’’
Nakatingin si Garet sa kanyang mama. Sabi na nga ba at may nakatagong kuwento sa buhay ni Lolo Dionisio. Magandang saliksikin ang buhay nito.
(Itutuloy)