“KAILANGANG puno ang mga lata, naintindihan n’yo?” sabi ni Kastilaloy na mataas ang boses. “Huwag n’yong iintrega ang mga lata hangga’t hindi puno. Maliwanag?’’
Napatango na lamang ang mga matatanda maliban kay Lolo Kandoy na nakatingin lang kay Kastilaloy.
“Ikaw Kandoy, naintindihan mong sinabi ko? Pag hindi napuno ang lata mo, humanda ka! Dadagukan kita!”
Tumango lang si Lolo Kandoy. Gusto niyang dunggulin na ang nguso ni Kastilaloy pero nagpigil siya. Huwag muna. Darating din ang araw ni Kastilaloy.
“Sige mga estupido, ilagay ang mga latang dala n’yo diyan sa may pinto at umalis na kayo. Mga walang silbi! Bukas makikita n’yo ang bagsik ko kapag kakaunti pa rin ang napagpalimusan n’yo!’’
Tumalikod na ang mga matatanda kasama si Lolo Kandoy. Nang makalabas sila sa bahay at patungo na sa kani-kanilang tirahan, nagtanong si Lolo Amboy kay Kandoy. “Paano kung kakaunti ang mapagpalimusan bukas, baka upakan na tayo ni Kastilaloy.”
“Huwag kayong matakot. Mahusay lang manakot ang Kastilaloy na ‘yun. Basta kalahati lang sa lata ang iintrega natin. Kupitin n’yo ang kalahati. Walang magagawa si Kastilaloy dahil tayo ang nagpapalimos at hindi siya. Kung hindi kayo kukupit, nanakawin lang ni Kastilaloy at Lyka ang mga barya!”
Napatangu-tango ang matatanda. Susundin nila si Lolo Kandoy.
Samantala, iba naman ang balak ni Kastilaloy ukol sa mga sinsilyo. Hindi siya papayag na mapunta lahat kay Lyka ang mga iyon. Siya lang ba ang makikinabang. Lahat nang iiintrega ng mga matatanda ay hahatiin niya. Kalahati kay Lyka at ang kalahati ay para sa kanya. Hindi siya sira ang ulo para hayaan na si Lyka ang makinabang sa mga sinsilyo.
Pero may naisip pa siya para kay Lyka. Iba-blackmail niya. Alam niya ang lihim ni Lyka.
Lumabas si Kastilaloy at tiyempo, patungo si Lyka sa banyo. Napangiti si Kastilaloy. Humanda ka Lyka! (Itutuloy)