Sinsilyo (113)
“BAKIT ka kinakabahan, Lolo Kandoy?” tanong ni Gaude.
“Kutob ko may mangyayaring hindi maganda.’’
“Kanino po?’
“Dito sa bahay. May mangyayari.’’
“Para kang pychic Lolo.’’
“Anong psaykik?’’
“’Yun pong nalalaman ang mangyayari.’’
“Manghuhula?’’
“Opo.’’
“Kutob ko lang naman. Hindi sigurado kung mangyayari.’’
“Ano po ang kutob mo?”
“’Tungkol sa asawa ni Mau. Sino nga yun?”
“Si Tita Lyka po?”
“Oo. Tingin ko, siya ang pagsisimulan ng mga kaguluhan dito. Hindi ba’t nasabi ko na ito sa’yo noong bagong dating dito ang babaing yun.’’
“Hindi pa po. Wala kang sinasabi sa akin, Lolo.’’
“Hindi pa ba. Parang nasabi ko na sa’yo.’’
“Hindi pa po. Ano po bang tingin mo kay Tita Lyka?’’
“Parang tingin ko e mayroon siyang gagawin para magkaroon ng kaguluhan. Kasi iba ang ganda niya. Parang ang ganda niya ay nanunukso. Pagmasdan mo ang kanyang pagngiti. Yung ganung pagngiti ay nang-aakit ng lalaki. Kapag naakit niya ang lalaki, paglalaruan lang niya.’’
“Tingin ko naman ay mabait po si Tita Lyka.’’
“Paibabaw lang yun. Huwag kang maniniwala basta-basta sa pagngiti ng isang babae. Nambibitag ang ngiti ng babaing yun.’’
“Tingin ko po wala namang gagawing masama.’’
Napangiti si Lolo Kandoy.
Nag-isip naman si Gaude. Bigla, naalala niya nang sabihin ni Lolo Kandoy noon na mayroong gagawing kabalbalan si Kastilaloy. At nagkatotoo dahil sinisilipan nito si Lyka.
Hindi nakatiis si Gaude. Sinabi niya sa matanda ang ginagawang paninilip ni Kastilaloy kay Lyka.
Napangiti lang si Lolo Kandoy.
“Kita mo na. Sabi ko na’t may gagawing kabalbalan ang Kastilaloy na yun.’’
“Halos araw-araw po, sinisilipan niya si Tita Lyka.’’
“Manyakis na siguro.’’
“Pag nahuli siya ni Tito Mau baka kung ano ang gawin sa kanya.’’
“Tingnan natin kung anong gagawin.’’
“Kung isumbong ko kaya siya kay Tito Mau.’’
“Huwag! Hayaan mong si Mau ang makahuli.’’
Napatango si Gaude.
ISANG umaga, nagrerebyu si Gaude sa kanyang room nang kumatok si Lyka.
“Puwedeng masilip ang room mo?” (Itutuloy)
- Latest