Sinsilyo (99)
HINDI humihinga si Gaude habang pinagmamasdan si Lolo Kastilaloy sa pagbutas sa pader. Isang malaking pako ang gamit ng matanda sa pagbubutas. Halatang matigas ang pader sapagkat bawat pukpok sa pambutas na pako ay may estrelyang lumalabas doon. Mabagal ang pagpukpok ng matanda. Sa tingin ni Gaude, mababaw pa ang hukay sa pader. Titigil at saka hihinga ang matanda at saka magbubutas uli pagkaraan. Desidido si Kastilaloy na matapos ang pagbubutas.
Hanggang sa makita ni Gaude na binitawan ang pakong pambutas at ang pamukpok na kapirasong bakal. Humakbang ito para lumabas.
Nagmamadali si Gaude sa paglabas. Delikadong makita siya ni Kastilaloy. Tiyak na malaking problema kapag nakita siya. Baka hindi lamang masakit na pananalita ang marinig niya, baka sapakin pa siya.
Nakalabas siya sa bahay na lata at mabilis na nakapagkubli sa isang haligi. Nakita niya ang paglabas ni Kastilaloy. Tinungo ang tirahan nito. Makaraan ang ilang minuto ay nakita niyang paparating ito at may bitbit na martilyo at saka sako. Pumasok sa loob ng bahay na lata. Maya-maya pa, narinig niya ang pagpukpok sa pader. Pero mas malakas ang ingay ngayon kumpara sa nakaraan. Dahil siguro, martilyo na ang ginagamit. Sunud-sunod pa niyang narinig ang pagpukpok hanggang sa tumigil. Hindi na niya narinig ang pagpukpok. Tapos na siguro si Kastilaloy.
Iniisip ni Gaude kung ano ang butas na iyon. Palaisipan para sa kanya. Kailangang malapitan niya ang butas para malaman niya. Pero paano siya makakalapit kung naroon ang matanda.
Mamayang gabi niya pupuntahan! Iyon ang naisip niya. Gagawin niya habang mahimbing si Kastilaloy.
KINAGABIHAN, dakong alas onse ng gabi, pagkatapos magbilang ng barya, ay tinungo niya ang bahay na lata.
Nang matiyak na walang tao, pumasok siya sa bahay na lata. Tiningnan ang butas na ginawa ni Kastilaloy.
Sinuri niya. Malalim na. Sinukat niya. Lulusot na sa kabila sa ilang pukpok ng martilyo! Malapit nang mabutas!
(Itutuloy)
- Latest