Sinsilyo (69)
SUSUNDIN niya ang anumang sabihin o iutos ni Tito Mau. Kahit ngayon na alam na niyang ang mga baryang nasa ilalim ng kama ni Tito Mau ay galing sa pinagpalimusan ng mga matatanda at doon galing ang pinagpapaaral sa kanya, wala siyang uungkatin ukol dito. Wala siyang itatanong kahit ano. Si Tito Mau pa rin ang may kapangyarihan sa bahay na ito at dapat lamang siyang sundin. Hindi nagbabago ang tingin niya kay Tito Mau sa kabila nang mga natuklasan.
Lumapit muli si Tito Mau sa kanya isang araw.
“Marami ka pang bibilangin, Gaude. Kapag libre ka, magbilang ka mamayang gabi ha?”
“Opo.’’
“Pero kung may gagawin ka, okey lang. Baka mag-aaral ka ng leksiyon mo.’’
“Hindi po, Tito Mau. Magbibilang po ako mamayang gabi.’’
“Sige. Wala uli ako ngayong gabi, isara mo lang mabuti ang pinto ng kuwarto ha.’’
“Opo.”
Umalis na si Tito Mau.
Kinagabihan, nagtungo uli si Gaude sa room ni Tito Mau para magbilang ng barya. Nang tingnan niya kung naroon pa ang magandang singsing, wala na. Itinago na siguro o baka ibinigay na sa babae.
Sinimulan niya ang pagbibilang. Palagay ni Gaude, walang katapusan ang pagbibilang niya ng pera. Parang hindi nababawasan. Araw-araw kasi ay may matandang namamalimos kaya laging may nagre-remit ng mga latang may barya. Araw-araw ay may sumasampang pera sa kuwarto ni Tito Mau.
Antok na antok siya nang makatapos sa pagbibilang. Nasa P20,000 nabilang niya.
Kinabukasan, sumabay uli sa kanya si Lolo Kandoy.
“Mamamalimos ka uli, Lolo Kandoy?”
“Oo. Di ba a-kinse ngayon?’’
“Opo.’’
“Marami na naman akong kikitain ngayon.’’
“Mag-ingat ka Lolo. Baka masagasaan ka.’’
“Sanay na ako.’’
“Kagabi po nagbilang uli ako ng barya. Napakarami ko pang bibilangin.’’
“Walang katapusan ang pagbibilang mo ng barya. Hangga’t buhay kami, tuloy ang pagbibilang mo. Matitigil ka lang kapag dedbol na kami.’’
Natahimik si Gaude. Oo nga.
(Itutuloy)
- Latest