BANTULOT si Gaude na tanggapin ang mga sin-silyo na halagang P20.
“Sige na, tanggapin mo na kahit sinsilyo. Baon mo!” sabi ni Lolo Kandoy.
Tinanggap ni Gaude. Naka-salansan na ang mga sinsilyo na pawang tigpipiso.
“Pambili ng kahit ano. Kahit banana cue.’’
“Binigyan na po ako ni Tito Mau.’’
“O e ano naman kung binigyan ka? Mabuti nga at marami kang baon. Mabigat nga lang sa bulsa dahil sinsilyo.’’
“Salamat po Lolo.’’
“Anong oras ka uuwi?”
“Mga alas singko po. Ala una po hanggang alas singko ang aking klase.’’
“Saan ba ang school mo?”
“Malapit lang po rito --- mga kinse minutos lang lakarin.’’
“Aba malapit lang dito. Saan ba yun?”
“Dun po sa kalsadang ang tinutumbok ay ang bakery – yun pong binibilhan ko ng pandesal. Deretso lang po mula sa bakery.’’
“Ah, alam ko ‘yun! Malapit nga lang.’’
“Titser ba ang kurso mo?”
“Opo.’’
“A oo sinabi mo nga pala sa akin noong isang araw. Magiging maestro ka.”
“Opo.’’
“Huwag ka munang manliligaw at baka hindi ka makatapos. Kapag nakatapos ka na saka ka manligaw.’’
“Opo Lolo. Sige po, aalis na ako.’’
“Sige!”
Umalis na si Gaude.
Binilisan niya ang paglakad. Alas dose pasado na. Gusto niya ay mauna sa room.
Habang naglalakad ay bumabangga sa kanyang hita ang nakasalansang sinsilyo. Mabait si Lolo Kandoy. Dalawang beses na siyang binigyan ng baon --- una ay P10 at ngayon ay P20, sinsilyo nga lang. Baka araw-araw ay bigyan siya ng baon. Tatanggihan na niya kapag binigyan siya uli. Mas kailangan nito ang pera. Kawawa naman kapag ito ang nawalan ng pera dahil matanda na. Saan kaya galing ang P20 na ibinigay sa kanya? Natatandaan niya nang minsang lumabas, pagbalik ay tila maraming lamang pera ang bulsa. Halata dahil maumbok ang bulsa. Maraming nagbigay sa kanya. Baka may kamag-anak na pinuntahan at binigyan ng pera.
Kapag binigyan uli siya nito, sasabihin niyang may pera naman siya. Ipapaliwanag niya na mas kailangan niya ang pera dahil baka magkasakit siya. Hindi naman siguro ito magagalit.
Binilisan niya ang paglalakad patungo sa school.
Unang-una siya sa classroom. Bago mag-ala-una napuno na ang classroom. Iilan lang silang lalaki at bakla pa yata ang ilan.
(Itutuloy)