Panalo sa Court of Appeals
MANILA, Philippines — Ang saya ng Dabarkads ng Eat Bulaga sa unang araw ng taong 2025, pagkatapos sa kanila umayon ang desisyon ng Court of Appeals kaugnay sa Infringement case nito sa TAPE, Inc. at GMA 7.
Pero ang talagang ipinagdiwang nila nang mag-live sila kahapon sa Eat Bulaga ay mas malaki na ang kanilang studio.
“Sobrang laki mga Dabarkads at mas komportable na ang mga ka-bonding natin dito sa studio,” bulalas ni Maine Mendoza.
Sabi naman ni Joey de Leon, “Mga kaibigan, huwag nating kalimutan. Dito pa rin kami sa studio 4 ng TV5 Media Center, Reliance Street po sa Mandaluyong, para sa isang libo’t isang tuwa na mag-aapatnapu’t anim na taon na ngayong 2025!”
Hindi naman sila lumipat ng studio kundi pina-renovate lang pala para ma-accommodate ang mga taong gustong manood nang live.
Noong paglipat ng Eat Bulaga sa TV5, nahahalata naman talagang maliit ang studio na malapit ang pinagtatanghalan nila sa audience.
Napapabalita noon na ililipat daw sila sa Meralco Theater pero hindi raw totoo ‘yun.
Ngayon ay kitang-kita ang laki at nagagawa na ngang tumakbo ni Ryan Agoncillio nang mahaba-haba sa studio.
“Kitang-kita na po namin ang ganda ng studio, parang ang luwag-luwag. Mas lumaki!” sabi ni Jose Manalo na nasa isang barangay sila sa Pasig City.
Nadagdag pa ang saya sa kanilang lahat dahil na rin sa box office success ng The Kingdom ni Bossing Vic.
Nagbiro na rin ang comedian/TV host na magbabago na raw siya ng career. Gusto na raw niyang maging drama actor, dahil maganda naman ang malaking pagbabago na ginawa niya sa The Kingdom na kung saan hindi talaga siya nagpatawa rito.
Parang nag-tape naman ang mga taga-It’s Showtime ng kanilang New Year’s episode. Siyempre excited sila sa pagpasok ng 2025 na kung saan ay patuloy pa rin silang mapapanood sa GMA 7.
Tinanong namin si Atty. Annette Gozon-Valdes noong Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival kung nagkapirmahan na sila ng renewal. Ngayong buwan daw ng Enero 2025 ang contract-signing para ma-announce na rin ang pananatili ng It’s Showtime sa Kapuso network.
Hindi lang niya sinagot kung ilang taon ang napagkasunduan nila. Kaya abangan ang pasabog nila sa opening salvo ng 2025.