‘Problema sa DOTC, kalbaryo sa MRT’
LINGID sa kaalaman ng mga namumuno sa Department of Transportation and Communication (DOTC), malaki ang papel na ginagampanan nila sa buhay ng tao.
Nakasalalay sa ahensya ang bawat galaw ng isang indibidwal, produkto at serbisyo. Sa madaling salita, kapag may pag-usad, may komersiyo. Sa English, when there is movement, there is commerce.
Matagal nang problema ang transportasyon sa Pilipinas. Dumadami ang mga sasakyan, sumisikip ang lansangan pero ang mga kalsada hindi lumuluwang kaya ang trapiko lumala.
Paulit-ulit na itong nagiging laman ng aking programang BITAG Live. Subalit, ang nakaupong namumuno sa DOTC na si Sec. Joseph Abaya, nagpapalaki lang ng tiyan o ’di naman kaya sadya talagang manhid, bulag at walang pakialam.
Bago pa naging laman ng mga pahayagan kahapon ang mahabang pila sa mga istasyon ng metro rail transit (MRT) habang kasagsagan ng malakas na ulan, nitong Martes, tinalakay ko na ito sa aking programa.
Ang mga pobreng mananakay nakatayo sa gilid ng lansangan, nadudukutan, nakapila habang nakapayong at nauulanan, nabibilad sa araw, nalalanghap lahat ang polusyon sa kapaligiran at usok ng mga sasakyan na dumadaan.
Pagdating ng tren, dahil siksikan at dagsaan ang mga tao, ang mga pasahero partikular ang mga babae nahihipuan at natsatsansingan ng mga putok sa buhong manyakis.
Kapag minalas-malas pa ang tren na sinakyan, biglang masisira sa kalagitnaan ng byahe, magkakaaberya at ang sisi laging nasa pobreng drayber. Human error daw o pagkakamali ng empleyado ang sanhi ng aksidente.
Totoong human error ang anggulo ng insidente. Human error o kapabayaan mismo ng mga namumuno at namamahala sa DOTC.
Kung noong una palang na nagkaroon ng mga aberya at problema nabigyan na agad ito ng atensyon at solusyon, hindi na sana ito nasundan pa ng mga aksidente.
Dito palang malinaw na makikita na kung anong uring pamumuno mayroon ang ahensya.
Nauna nang sinabi ni Abaya na magtiis-tiis na lang daw muna ang mga MRT rider dahil ngayon ang sentro ng kanyang atensyon at inaatupag, pamumulitika.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest
- Trending