Madugong pagdiriwang ng Bagong Taon
CAVITE, Philippines — Naging madugo ang pagdiriwang ng Bagong Taon ng isang pamilya makaraang pagbabarilin ang magbayaw na ikinasawi ng isa sa tapat ng kanilang bahay habang nagkakasayahan kahapon ng madaling araw sa Brgy. H2. Dasmariñas City.
Dead-on-the-spot bunga ng tama ng bala sa kanyang likod ang biktimang si alyas “Johnny”, 42-anyos, habang inoobserbahan sa pagamutan ang sugatang bayaw nito na si alyas “Christoper”, 32-anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa Interfashion Brgy. H2, Dasmariñas City kung saan unang nagdiwang ng pagsalubong ng Bagong Taon ang magbayaw sa tapat ng kanilang bahay.
Masaya pang nagpapaputok ang mga biktima ng mga firecrackers nang dumating ang tatlong lalaki at isa sa kanila ay armado ng .38 caliber revolver.
Pagkita sa magbayaw, agad na pinagbabaril ng isa sa mga suspek ang mga biktima.
Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawa kung saan nakatakbo pa si Christopher at humingi ng tulong habang namatay noon din sa lugar ang bayaw niyang si Johnny.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek at naiwan pa nila sa pagmamadali ang baril na kanilang ginamit sa krimen.