MANILA, Philippines — Dalawang menor-de-edad ang nasawi matapos na malunod sa Lingayen Gulf, Brgy. Pangasinan North, Lingayen, Pangasinan, nitong bisperas ng Bagong Taon.
Ang mga nasawing biktima ay kinilala lamang sa mga pangalang “Benjur” ng La Paz, Tarlac at “Jessel” na taga-Sta. Rosa City, Laguna.
Sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense (OCD)-Region 1, dakong alas-4:30 ng hapon nang dumating ang mga biktima kasama ang dalawa pa na sina Tessa at Justin at kanilang guardian na si Willy sa nasabing resort.
Gayunman, makalipas ang halos isang oras ay napansin ni Willy na nawawala ang mga menor-de-edad kaya agad niyang hinanap.
Agad humingi ng tulong si Willly sa Lingayen Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) para hanapin ang mga bata.
Naiahon naman sa dagat ang tatlo sa apat na biktima na mabilis na isinugod sa Lingayen District Hospital pero idineklara nang dead-on-arrival si Jessel.
Samantala, narekober naman ang bangkay ni Benjur matapos na lumutang sa dagat nitong Enero 1.
Base sa teorya ng mga awtoridad, posibleng tinangay ng malakas na alon ang mga biktima sanhi ng kanilang pagkalunod.