2 bahay natabunan sa rockfall
MANILA, Philippines — Patay ang isang 2-anyos na batang babae habang tatlo pa ang sugatan nang matabunan ng mga bato ang kanilang tahanan sa naganap na rockfall sa Sitio Mahaba, Brgy. Basiao, Catbalogan City, Samar, ayon sa report sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.
Sa ulat ng NDRRMC, ang nasawing paslit ay nasapol ng malaking tipak ng bato na bumagsak mula sa bundok nang tumama sa mga kabahayan sa kanilang pamayanan sa nasabing lugar.
Kabilang sa nasugatan sa insidente ay isang 3-buwang sanggol na babae, isang 35-anyos na lalaki at isang 30-taong gulang na babae.
Sa pahayag ng mga residente, nakarinig sila ng malakas na dagundong bandang ala-1:03 ng hapon nitong Linggo at kasunod nito ay gumuho ang mga bato mula sa bundok na tumama sa mga bahay ng dalawang pamilya sa nasabing lugar.
Ayon sa City DRRMO, ang rockslide ay sanhi ng ilang araw na malalakas na pag-ulan sa naturang barangay.Bunsod ng pagguho, dalawang bahay sa lugar ang natabunan at isa rito ang tuluyang nawasak habang ang isa ay nagtamo rin ng pinsala.
Apat katao mula sa dalawang naapektuhang pamilya ang inilikas ng rescue team sa evacuation center at sinundan na rin ng paglilikas sa iba pang mga kapitbahay ng mga biktima sa mas ligtas na lugar upang makaiwas sa pinangangambahang pagguho pa ng kabundukan.
Nag-isyu na ang Office of Civil Defense (OCD) 8 Eastern-Visayas ng memorandum na humihikayat sa mga Local Government Units (LGUs) na magsagawa ng preemptive evacuation sa mga landslide at rockslide prone area.