CAVITE, Philippines — Arestado ang isang lalaki makaraang magpaputok ng armalite rifle sa pagsalubong sa Bagong Taon, kamakalawa sa Brgy. Toclong, bayan ng Kawit, dito sa lalawigan.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 11926 (An Act Penalizing Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms) at RA 10591 ang suspek na kinilala sa alyas “Christian”, nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar.
Sa ulat ng pulisya, alas-11:55 ng gabi kung saan ilang minuto na lamang at magpapalit na ang taon nang makatanggap ng mensahe sa pamamagitan ng messenger si Corporal Palomino mula sa isang residente sa nasabing lugar, hinggil sa ang kapitbahay umano nito ay may bitbit na rifle at nagpapaputok.
Sa pagresponde ng pulisya, naabutan ang suspek sa compound nito kasama ang mga kamag-anak at kaibigan na nag-iinuman. Kinausap nila ang suspek hinggil sa umano’y natanggap na sumbong sa pagpapaputok nito ng baril.
Gayunman, itinanggi ito ng lasing na suspek subalit sa pagsisiyasat ng mga pulis sa lugar, na-diskubre nila ang mga nagkalat na spent cartridge cases mula sa long at short firearms sa bakuran ng suspek. Nang tanungin ang suspek ay dito na siya umamin at boluntaryong itinuro ang mga baril na ginamit nito sa loob ng kanilang bahay.
Narekober sa suspek ang isang M4 caliber 5.56 rifle at isang converted/improvised 9mm pistol, isang reloading machine na Thompson (airsoft), iba’t ibang klase ng bala at empty shells. Wala ring maipakitang mga papeles ang suspek sa mga dalang armas.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Cavite Provincial Forensic Unit at isasailalim sa parrafin at ballistic examination.