MANILA, Philippines — Napaslang ang isang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na sinasabing kabilang sa “remnant” ng communist terrorist group matapos makasagupa ang tropa ng militar sa isang liblib na lugar ng Brgy. Lahug, sa Tapaz, Capiz kamakalawa.
Ayon kay Army-3rd Infantry Division (ID) Spokesman Major J-Jay Javines, inaalam pa ang pagkakakilanlan sa nasawing rebelde.
Bandang alas-12:47 ng hapon nang makasagupa ng mga tauhan ng 12th Infantry Battalion ang nasa 10 nalalabing miyembro ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG) at Central Front (CF) Weakened (W) Komiteng Rehiyon-Panay sa nasabing lugar.
Nagsasagawa ng security patrol, ayon kay Javines, nang magkrus ang landas ng mga sundalo at mga rebelde na nauwi sa bakbakan na tumagal ng 10 minuto na ikinasawi ng isang terorista habang mabilis na nagsitakas ang mga kasamahan sa kagubatan.
Narekober ng mga sundalo sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang armalite rifle at limang backpacks ng mga rebelde.