MANILA, Philippines — Patay ang dalawang college students nang mabangga ng taxi ang sinasakyan nilang motorsiklo, sa Cainta, Rizal, kahapon ng madaling araw.
Kapwa dead on arrival sa Cainta Municipal Hospital ang mga biktimang sina Michael Allan Coronel Jr., 20, 3rd year college student ng Sitio Pugot, Payatas, Quezon City; at Lothysia Nicole Pedro, 19, 2nd year college student at residente ng Sitio Veterans, Bagong Silangan, Quezon City.
Nasugatan naman at nilalapatan ng lunas sa naturang pagamutan matapos na madamay sa aksidente, ang tatlong fruit vendors na sina Arlene Gonzaga, 52; at magkapatid na sina Dino, 14, at Laiza Caagay, 12, kapwa estudyante.
Arestado naman ang suspek na si alyas ‘Benjamin,’ 71, taxi driver, at residente ng Brgy. Lunsad, Binangonan, Rizal.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng Cainta Police Station na dakong alas-12:25 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Felix Avenue, tapat ng Village East Executive Village, sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta.
Nauna rito, magkaangkas ang mga biktima sa isang itim na Honda Click na may plakang 309-QVA at binabagtas ang Felix Avenue, patungo sa Marcos Highway habang pakaliwa naman ang taxi patungo sa Village East Executive Homes mula sa Marcos Highway.
Gayunman, pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang umanong nabangga ng taxi ang kaliwang bahagi ng motorsiklo, na ikinasugat at malaunan ay ikinasawi ng mga sakay nito.
Sa tindi ng impact ng pagkakabangga, inararo rin ng motorsiklo ang isang fruit stand na ikinasugat rin naman ng tatlong bantay nito.