MORONG, Bataan, Philippines — Perwisyo sa mga residente ang kaliwa’t kanang brownout matapos muli na namang maranasan ito ng mga residente sa ilan bayan ng lalawigang ito mula alas-5:30 ng umaga, kamakalawa.
Kabilang sa mga bayan na madalas mawalan ng supply ng kuryente ay ang Dinalupihan, Hermosa, Limay Orani, Pilar Samal, Abucay, Orion at ang pinakaapektado at kawawa ay ang mga bayan ng Bagac at Morong.
Sa panayam ng Pilipino Star Ngayon sa mga residenteng konsyumer, bukod pa sa madalas na brownout, patay sindi rin ang supply ng kuryente ng Peninsula Electric Cooperative Inc. (Penelco) na sanhi upang marami na sa kanilang mga appliances ang nasisira dahil sa “power surge”.
Ayon naman sa mga negosyante, perwisyo talaga sa kanilang mga negosyo ang halos araw-araw na nararanasang brownout kaya napipilitan silang magsara dahil sa power interruption.
Binatikos din ng mga residente ang mali-maling anunsyo ng Penelco sa kanilang social media account kaugnay sa brownout scheduling dahilan upang lalong malito ang publiko.
Ayon naman kay Engineer Felix Paguio, head ng sub-transmission line ng Penelco Inc., ipinaliwanag nito na walang epekto ang biglaang pagkakaroon ng supply ng kuryente sa reading ng mga metro upang tumaas ang kunsumo ng mga consumer
Aminado si Paguio na mas madalas ang power interruption sa bayan ng Bagac at Morong dahil na rin sa lokasyon ng kanilang mga tower at line exposure na nasa bulubunduking lugar at malapit sa dagat ng nasabing bayan.