MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang pasahero habang sugatan ang limang iba pa kabilang ang driver nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang Isuzu Elf truck sa Brgy. Valenciano, Banna, Ilocos Norte, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya na ang naturang truck ay minamaneho ng 43-anyos na lalaki, may asawa, residente ng Dingras, Ilocos Norte.
Kasama ng driver na nakasakay sa naturang truck ang limang pasahero nitong lalaki na edad 29, 24, 33, 31, at 21 na pawang mga residente rin ng Dingras, Ilocos Norte.
Bumibiyahe ang naturang truck patungong silangang direksyon sa Banna-Batac Road sa Sitio Payao sa naturang lugar.
Pagsapit sa palikong bahagi ng kalsada ay hindi gumana ang preno nito sanhi para mawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa mahulog sa bangin ang kanilang sasakyan.
Agad na isinugod sa ospital ng mga retrieval team ang driver at ang limang pasahero na kapwa nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan, subalit isa sa pasahero na 21-anyos ay hindi na umabot ng buhay.