MANILA, Philippines — DAET, Camarines Norte - Patay ang isang 76-anyos na motorcycle rider habang sugatan at nagpapagaling ang kanyang angkas matapos na sumabit ang katawan nito sa nakalambiting kawad ng internet cable sa kahabaan ng Bagasbas Road, Brgy. Bagasbas sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.
Sugatan at walang malay na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang si “Lolo Ely” at ang 16-anyos na binatilyong backrider nito, kapwa residente ng naturang bayan.
Sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga, binabagtas ng motorsiklo ng matanda ang kahabaan ng Bagasbas Road nang sumabit ito sa nakalaylay na kawad ng kable dahilan para pareho silang tumilapon ng angkas at humampas ang katawan at ulo sa kalsada.
Mabilis na sumaklolo ang mga tauhan ng MDRRMO-Daet at mabilis na dinala ang mga biktima sa pagamutan pero idineklara ang matandang rider na dead-on-arrival.