MANILA, Philippines — Nasa 802 wanted persons kabilang ang 142 Most Wanted persons ang nadakip sa pinaigting na manhunt operation sa Gitnang Luzon mula Oktubre 1 hanggang 31.
Ito’y kasunod ng direktba ni Philippine National Police- Police Regional Office 3 Director PBGen. Redrico Maranan na tukuyin at papanagutin mga nagkasala sa batas.
Ayon kay Maranan, sa 142 Most Wanted na nadakip, 8 ang Regional level, 27 ang Provincial level, at ang nalalabing bilang ay sa municipal level.
Kabilang sa mga most wanted persons na nahuli ay may mga kinakaharap na kasong Rape, Murder at paglabag sa RA 9165.
Pinuri ni Maranan ang matagumpay na operasyon ng kanyang mga tauhan na layong maibaba ang crime rates sa Central Luzon.
“Patuloy ang pagtugis ng pulisya laban sa mga pinaghahanap ng batas upang mapanagot sila sa kanilang mga nagawang krimen.
Gayundin, kami ay nagpapasalamat sa publiko sa patuloy na pakikipagtulungan sa pulisya upang madakip ang mga nagtatago sa batas,” ani Maranan.