Truck swak sa bangin: Driver dedo, 2 sugatan
BAGUIO CITY, Philippines — Patay agad ang isang driver habang dalawang sakay nito ang malubhang nasugatan matapos na mahulog ang kanyang minamanehong truck sa may 20-metrong lalim na bangin Upper Cotcot, Bangao, Buguias, Benguet nitong Martes ng hapon.
Kinilala ng Buguias Police ang nasawi na si Denver Adcapen, 33-anyos, ng Barangay Guinzadan Bauko, Mountain Province, habang ang dalawang sugatang pasahero nito na hindi pa pinangalanan ay nilalapatan ng lunas sa isang ospital.
Matapos na mabatid ang pagbulusok ng truck, agad na rumesponde sa lugar ang mga personnel ng Buguias Police, Buguias Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Rural Health Unit, Bureau of Fire Protection (BFP) Buguias at nagtulung-tulong sa rescue operation.
Pahirapan ang pagkuha sa katawan ng driver dahil naipit ito sa front seat ng nasirang truck.
Nang mahugot ang driver, patay na ito habang ang dalawang sugatan ay agad na isinugod sa Lutheran Hospital sa Abatan, Buguias.
Lumalabas sa imbestigasyon na naunang nag-landing ang harapan ng truck sa pagbagsak nito sa bangin. Posibleng nagkaroon umano ng mechanical defect ang truck sanhi upang hindi nakontrol ng driver ang manibela hanggang sa bumulusok pababa sa bangin.
- Latest