MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng sundalo ang kanyang misis, biyenan at driver sa loob mismo ng kampo ng 5th Infantry Division sa Brgy. Upi, Gamu, Isabela, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Sgt. Mark Angelo Ajel, kasalukuyang nakatalaga sa 503rd Infantry Brigade, sa Calanan, Tabuk City, Kalinga. Tinanggal na rin siya agad ng AFP sa serbisyo.
Dead-on-the-spot naman ang driver na si Rolando Amaba, habang hindi na naisalba pa ng mga doktor sina Erlinda Ajel, misis ng suspek at Lolita Ramos, biyenan ng suspek; pawang residente ng Benito Soliven, Isabela.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, alas-2 ng hapon nitong Huwebes nang mapansin ni Sgt. Rommel Narag ang isang sasakyan na pumasok ng Camp Melchor Dela Cruz. Makalipas ng ilang segundo, nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa van at nang lapitan ay nakita nila ang suspek na hawak ang kanyang baril kaya agad siyang dinisarmahan at inaresto.
Nadatnan ng mga sundalo si Amaba na patay sa sasakyan habang agad na dinala sa ospital sina Erlinda at Ramos pero binawian ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, bagama’t sinisilip na ang anggulong “crime of passion” sa insidente.
Una nang nagpaaalam si Sgt. Ajel sa kanyang mga kasamahan na magtutungo lamang ito sa kampo ng 5ID upang mamili ng kanyang mga kakailanganin.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang 6 fired cartridge case at 1 fired bullet ng caliber 9mm pistol.
Nasa kustodiya na ng Gamu Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong parricide at two counts of murder.