P3 milyon cash, missing sa pinatay na election officer, misis

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nawawala ang P3-million cash money ng municipal election officer na si Emmanuel Gacott at kanyang negosyanteng misis na si Frehie, kapwa pinatay sa loob ng kanilang tahanan matapos pasukin ng hinihinalang “Akyat-Bahay Gang” sa Barangay Cambian, Agutaya, Palawan nitong Sabado.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa krimen, nadiskubre ng mga imbestigador na bukas at wala nang laman ang cash drawer na may itinagong malaking halaga ng pera ng mag-asawang Gacott sa loob ng kanilang tahanan.

Ayon kay Major Ric Ramos, Palawan Police spokesperson, dumating ang isang team ng forensic unit-Mimaropa lulan ng helicopter sa Agutaya Island, kahapon.

Sinabi ni Ramos na nagsagawa ang forensic team ng pagsusuri sa bangkay ng mag-asawang biktima at nangalap ng mga ebidensya sa lugar.

Dagdag ng opisyal, inaatay pa nila ang resulta ng awtopsiya sa “cause of death” ng mga biktima na unang iniulat na nagtamo ng mga tama ng saksak sa katawan.

Ikinokonsidera ng pulisya na “robbery” o pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa naturang election officer at kanyang maybahay, na nagmamay-ari ng Palawan Pawnshop, Agutaya branch.

Naghahanap na rin ang mga imbestigador ng mga testigo sa insidente at footages na nakunan ng close-circuit television sa nasabing crime site.

Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang duguang katawan ng biktima sa isang bahagi ng kusina ng kanilang bahay noong Sabado bandang alas-8:30 ng umaga.

Show comments