BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD) ang unang kaso ng Mpox sa Cagayan Valley o Region 2, kahapon.
Sa press statement ng DOH-CVCHD, kinumpirma na ang kauna-unahang kaso ng Mpox sa rehiyon ay kasalukuyang naka-isolate sa loob ng isang pagamutan para sa puspusang medikasyon.
Ayon kay Dr. Amelita Pangilinan, DOH regional diretor, puspusan ngayon ang ginagawang contact tracing ng DOH personnel para matukoy ang mga indibiduwal na posibleng na-exposed sa pasyente. Nakikipagkoordinasyon na rin sila sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mga tamang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Ayon sa report, ang unang pasyente sa rehiyon ay nakumpirma ng DOH nitong September 7, 2024.
Samantala, pinayuhan ni Pangilinan ang publiko na maging mapagmatyag at laging sumunod sa standard health protocols, tulad ng hand washing, pagsusuot ng face masks sa mataong lugar at magpatingin sa Doktor kung may sintomas na nararamdaman.
Ilan sa mga sintomas ay ang skin rashes na may lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan, kasukasuan, likod, mahinang pangangatawan at iba pa.