MAUBAN, Quezon, Philippines — Dahil sa tulong ng CCTV, maagang nalutas ang kaso ng nakawan sa isang jewelry shop sa bayang ito, makaraang naaresto ang walong suspek sa isang apartment na ginagawa nilang drug den at nahulihan pa ng droga at baril sa Sitio Barbara, Barangay Soledad, kamakalawa ng gabi.
Magkakasamang nakapiit ngayon sa municipal jail at nahaharap sa mga kasong robbery, paglabag sa RA 9165 at RA 10951 ang mga suspek na kinilala lang sa mga alyas na “Rexan”, 27, ng Barangay Samil, Lucban, Quezon; “Majimbo”, 24, ng Barangay Ayuti, Lucban, Quezon; “Jonathan”, 26; ng Barangay Ibabang Talim, Lucena City; “Mark”, 18 ng Barangay Cagsiay 1, Mauban, Quezon; “Tristan”, 28 ng Barangay Ibabang Talim, Lucena City; “Anthony”, 24, ng Barangay Nagsinamo, Lucban, Quezon; “Rose”, 23, ng Barangay Samil, Lucban, Quezon at “Christan”, 21, ng Brgy. Samil, Lucban, Quezon.
Ayon sa ulat ng Mauban Police, noong hapon ng Setyembre 3, 2024, habang binubuksan ng saleslady ng E.M De Ocampo’s Jewelry Shop ang pintuan ng establisimyento ay natuklasan niyang sira ang bubong at kisame nito.
Pagpasok ng saleslady sa loob ng jewelry shop ay natuklasan niyang nawawala ang iba’t ibang alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P600,000 at cash na P2,000.
Mabilis na ipinagbigay alam nito sa mga otoridad ang insidente at nang usisain ang CCTV sa nairekord nitong Setyembre 2, 2024 ng alas 12:58 ng madaling araw habang nasa kalakasan ng ulan, nakitang pumasok ang mga suspek sa pamamagitan ng pagsira sa bubong at kisame ng establisimyento saka nilimas ang mga alahas at sinasabing halaga ng pera.
Sa follow-up operation ng mga otoridad, dakong alas-6:00 ng gabi ay naaktuhan ang mga suspek na magkakasamang pinaghahatian ang mga kinulimbat na alahas. Nakuha rin sa kanilang pag-iingat ang isang ‘di lisensyadong kalibre 38, 0.5 gramo ng hinihinalang shabu, 19.8 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga drug paraphernalia.