Madugong ‘rido’ sa Lanao del Sur, tinuldukan na
COTABATO CITY, Philippines — Tinuldukan na nitong Lunes ng dalawang angkan ng mga Maranao ang kanilang “rido” o awayan ng angkan, na tinaguriang pinakamadugo at marami ang mga nasawi sa mga serye ng kanilang labanan nitong nakalipas na limang taon.
Sa ulat nitong Martes ni Col. Robert Daculan, Lanao del Sur provincial police director, pumayag ang mga angkan ng Asum at Alim na lumagda sa isang kasunduang tapusin na ang kanilang rido, o family feud, sa pakiusap ni Gov. Mamintal Adiong, Jr., na siyang chairperson ng Lanao del Sur Provincial Peace and Order Council.
Ang mga Asum ay mga taga-Lumbayanague, isa sa 39 na bayan sa Lanao del Sur, habang ang balwarte naman ng mga Asim ang Sultan Dumalondong sa naturan ding probinsya.
Agawan ng teritoryo, pulitika at iba pang mga hindi pagkakaunawaan ang pinag-ugatan ng clan war ng mga Asum at Alim na nakaapekto sa kani-kanilang mga bayan sa Lanao del Sur na ang mga local executives ay kilalang mga supporters ng peace and reconciliation programs ng tanggapan ni Adiong.
Magkatuwang na pinangunahan nila Adiong, ng mga opisyal ng Lanao del Sur Provincial Police Office, ni Vice Gov. Mohammad Khalid Rakiin Adiong at ng mga miyembro ng Lanao del Sur Sangguniang Panlalawigan ang pagsasagawa ng “rido settlement” nitong Lunes sa isang gymnasium sa provincial capitol sa Marawi City, kabisera ng naturang probinsya.
- Latest